Gospel Reflection
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
06 Nobyembre 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 10 Nobyembre 2013.)
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
06 Nobyembre 2022
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 10 Nobyembre 2013.)
Madalas ko itong marinig sa mga charismatic speakers:
Tanong: Gusto mo bang makasama si Hesus ngayon?
Sagot: Siyempre naman. Sino ba ang ayaw? Itaas ko pa ang dalawa kong mga kamay-- pati mga paa para sabihin lang na gusto ko. Kailangan pa bang i-memorize 'yan?
Tanong uli: So, gusto mo nang mamatay ngayon?
Sagot: Aba! Teka. Teka lang. Ibaba ko muna ang mga kamay at paa ko.
Ito ang katotohanan, gusto nating maranasan ang kaluwalhatian kasama ang ating Panginoong Hesus subalit takot tayong mamatay. Takot tayo sa hindi natin nakikita. Takot tayo sa kamatayan dahil hindi natin tiyak kung saan tayo mapupunta pagkatapos nito. Sa kaluwalhatian ba? Sa impyerno? Sa walang hanggang kadiliman?
Ang muling pagkabuhay at ang buhay na walang hanggan ay dalawa sa mga pundasyon ng ating pananampalataya. Tuwing magsisimba tayo'y binabanggit natin:
Sumasampalataya ako... sa pagkabuhay na muli ng mga namatay na tao at sa buhay na walang hanggan.
Ang ating paniniwalang mabubuhay tayong muli matapos na tayo'y mamatay ay nagpapatibay sa ating pananalig na namatay tayong kasama ni Hesus at katulad Niya'y magagapi natin ang kamatayang bunga ng kasalanan.
Si Hesus ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Sa ganap nating pagtanggap sa Kanya bilang ating Manunubos, binibigyan natin ng pagkakataon ang ating mga sariling makalapit sa ating Amang Diyos.
Sa muling pagkabuhay, ang tao'y nagiging tulad ng mga anghel na nagbubunyi sa kaluwalhatian ng Diyos. Doo'y hindi na natin kailangan pang mag-asawa dahil wala nang kamatayan o anumang paghihirap o sakit o pagkagutom.
Naaalala ko tuloy ang sinabi noon ng isang seminarista sa isang pag-aaral na dinaluhan ko.
"Masyadong pinahahalagahan ng tao ang kanyang kaarawan at masyado siyang nababahala sa kanyang kamatayan. Kung pakaiisipin, hindi naman mahalaga kung paano ka ipinanganak o namatay para malaman kung sa langit o sa impiyerno ka mapupunta.
Ang mahalaga ay ang nasa gitna ng dalawang ito-- ang ating pang-araw-araw na buhay. Paano mo ba ginugol ang mga simpleng araw sa buhay mo? Gaano mo sinikap na maging instrumento ng pag-ibig ng Diyos ng buhay?"
Gusto mo bang makasama si Hesus? At kung makasama mo Siya ngayon, ano ang isasagot mo kung tanungin ka Niya, "anong kabutihan ang ginawa mo ngayon para ipagkaloob Ko sa iyo ang muling pagkabuhay at buhay na walang hanggan?"
Panalangin:
O aming Ama, sinasamba at dinarangal Ka po namin.
Hindi man kami karapat-dapat sa Iyong kaluwalhatian, magsusumamo po kami sa pamamagitan ng Iyong Anak na si Hesus, patawarin po Ninyo ang aming mga pagkukulang at mga kasalanan. Bigyan po ninyo kami ng lakas upang magawa naming bumangon mula sa buhay ng kasalanan. Tinatanggap po namin ang aming mga krus. Pasanin sana namin ito sa pagsunod namin sa Iyong Anak.
Maramdaman po sana namin sa buhay na ito ang Inyong presensya sa pamamagitan ng Espiritu Santong kasama namin sa bawat sandali. Sumaamin nawa ang kaharian Mo habang narito pa kami sa lupa. Maghari ka nawa sa aming buhay
Ama, idinadalangin po namin ang mga naunang pumanaw sa amin. Hinihingi rin po namin ang panalangin ng nagtagumpay Mong Simbahan-- ang kasamahan ng mga banal na laging katulong namin sa aming mga panalangin.
Ikaw ang Diyos ng Buhay. Sa pamamagitan ng Iyong Anak na si Hesus, ang Kordero ng Diyos na nagkakaloob ng buhay, kasama Mong naghahari at ng Espiritu Santo, inaangkin naming tinanggap na namin ang aming mga kahilingan. Amen.