Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
25 Disyembre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa sa Hatiggabi.
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa sa Araw.
(Isinulat po ito siyam na taon na ang nakararaan.)
Galing kami ng pamilya ko no'n sa Simbang Gabi sa Parokya ni San Antonio de Padua, naglalakad kami pauwi. Buhat ko ang aming anak na si Baby Lei. Tuwang-tuwa kaming mag-asawa sa anak namin dahil panay ang turo niya sa buwan na medyo bilog nang gabing iyon.
Malapit na kami sa bahay nang mapatingin ako sa buwan. Na-realize ko ang isang bagay. Isang bagay na hindi naalis sa isip ko. Naisip ko kung gaano kadilim ang unang Pasko.
Nitong nakaraang mga linggo, naging busy ako sa pagtulong sa paghahanda ng mga kabataang gaganap sa Panulyan sa parokya. Katunayan, nakapagsimba ako ng gabing iyon dahil maaga kaming nakatapos. Kapag umaarte ang mga gumaganap na Maria at Jose, lagi silang tinututukan ng spotlight para makita sila ng mga manonood pero hindi gano'n ang sitwasyon noong unang Pasko.
Naglakad sa kadiliman sina San Jose at Birheng Maria. Maaaring ang tanglaw lamang nila habang naglalakbay ay ang buwan, mga bituin at isang maliit na lampara. Walang spotlight na nagbibigay-liwanag sa kanilang daraanan.
Subalit sa kadilimang iyon, naging liwanag nila ang kanilang pananampalataya at lubusang pagtitiwala sa Diyos. Dito sila kumuha ng lakas at pag-asa. Hindi man nila ganap na nauunawaan ang kalooban ng Diyos, nagpatuloy sila sa pagtalima sa pagtawag Niya. Hindi sila nagpatinag sa mga balakid. Ang kanilang pananalig ang kanilang sinandigan.
Nang isilang si Hesus sa Bethlehem, abala ang mga tao sa maraming mga bagay. Ang iba sa kanila'y nagpapakalasing. Ang iba'y nagsusugal. Ang iba'y mahimbing na sa kanilang pagkakatulog. Walang kamalay-malay sa dakilang pangyayaring magpapabago ng mundo.
Ninais ng Diyos na ipabatid ang Magandang Balita sa mga pastol sa parang. Sila'y mga abang walang ibang inaasahan kundi ang Diyos. Sa kanila ipinahayag ng anghel ang Mabuting Balitang inilihim sa lahat ng tao. Nakisalo sila sa kagalakang inihayag ng mga anghel na umawit ng "Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!"
Sa kapayakan ng unang Pasko, sa kapayakan ng sabsabang pinagsilangan kay Hesus, masasalamin natin ang liwanag na kaloob ng Diyos. Ang kaningningan ng Liwanag Niya ay walang-maliw. Patuloy na nagkakaloob ng galak at bagong pag-asa sa mga taong patuloy na nananalig kay Kristo.
Wala man tayong bagong damit. Wala mang tayong handa sa ating mga mesa. Wala mang regalong maibigay at matanggap. Magbatian tayo at magbahaginan ng ating kagalakan.
Alalahanin sana nating ang tunay na Liwanag ng Pasko ay si Kristo. Sa kataimtiman ng ating mga puso umusal tayo ng panalangin para sa ating pamilya, mga kaibigan at mga nangangailangan. Huwag nating kalimutang sambitin ang ating pagbati:
"Panginoong Hesu-Kristo, Ikaw ang Liwanag ng aming Pasko! Happy birthday po!"
O aming Amang makapangyarihan sa lahat, gayon na lang ang pag-ibig Mo sa amin, kaya niloob mong isilang sa isang abang sabsaban ang Iyong Bugtong na Anak. Hinubad ni Hesus ang kanyang pagka-Diyos. Siya'y naging sanggol na nangailangan ng pagkalinga ng isang ina at paggabay isang ama.
Hayaan Mo pong makihati kami sa kagalakan ng mga anghel na nagpahayag ng pagluwalhati sa Iyo. Sa Paskong ito, pinasasalamatan po namin ang lahat ng mga biyayang tinatanggap namin sa araw-araw. Salamat po sa aming pamilya at mga kaibigan. Salamat din po sa mga taong tumutulong sa amin upang maging magaan ang mabibigat naming dalahin sa buhay.
Panginoon, gawin Mo pong makahulugan para sa amin ang Paskong ito. Turuan Mo po kaming i-appreciate ang maliliit na mga bagay na higit na mahalaga. Makita po sana namin si Kristong laging naroon sa sulok ng aming mga puso.
Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, ang Kristong Panginoon at Tagapagligtas, na isinilang sa bayan ni Haring David, nabalot ng lampin at humiga sa sabsaban. Diyos na nagkatawang-tao. Ang Salitang kasama Mo noon pang una. Amen.