Manunuluyan Siya Sa Ating Puso

Ikalawang Linggo ng Adbiyento
04 Disyembre 2022
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 08 Disyembre 2013.)


Nararamdaman na natin ang Pasko saanman tayo magtungo ngayon. Malamig na ang simoy ng hangin. Mas maikli na ang araw at mabilis nang dumilim. Madalas na tayong makarinig ng mga kantang pamasko. Kahit pa sabihin ng ilan na hindi nila nararamdaman ang Pasko dahil sa iba't-ibang mga rason, hindi natin maikakailang mararamdaman na natin ang excitement sa paligid.

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, maliwanag ang sigaw ni San Juan Bautista sa ilang, "Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!"

Iniugnay pa ng ebanghelista si Juan Bautista sa pahayag ni Isaias ukol sa isang taong sumisigaw sa ilang "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!"

Paano ba natin pinaghahandaan ang Kapaskuhan? Marami siguro sa atin ay nakabili na ng mga panregalo at ng mga bagong damit. Siguro nakapagkabit na tayo ng mga Christmas decorations sa ating mga bahay. Nakapamili na rin siguro tayo o kung hindi man ay pinagpaplanuhan na natin kung anong mga pagkain ang ihahanda natin sa ating noche buena.

Ito ay mga pisikal na paghahanda para sa Kapaskuhan. Mga panlabas na bagay na madalas na nagiging sukatan natin kung masaya o hindi ang ating Pasko. 

Hindi ito ang hinihinging paghahanda sa atin ng mga turo ni San Juan Bautista. Pinapaalala niya sa ating ang Pasko ay tungkol sa paggawa ng mabuti. Ng pagbabahagi sa mga nangangailangan at mga kapus-palad. Ng paghingi ng tawad at ng pagpapatawad. Ng paggiba sa mga pader na nagiging sagabal sa ating relasyon sa ibang tao. Ng pagbuo ng mga tulay upang magawa nating lumapit sa iba.

Ihanda natin ang ating mga puso. Dito makikipanuluyan ang ating Panginoong Hesus. Nakikita ba natin si Hesus sa ating kapwa? 

Dapat nating tandaang si Hesus ang may kaarawan. Siya ang dapat nating bigyan ng regalo. Kabaligtaran ito sa realidad dahil madalas kaysa hindi ay tayo ang humihingi sa Kanya. Ang Pasko ay pagbibigayan. Higit sa mga materyal na bagay, dapat tayong magkaloob ng pagmamahal at kapatawaran sa isa't isa dahil minsan isang Diyos ang nagkatawang-tao. Siya ay naging isang abang sanggol na isinilang sa sabsaban-- larawan ng ating kapwang kapus-palad.

Panalangin:

O aming Amang patuloy na nagkakaloob sa amin ng nag-uumapaw na biyaya, ang aming mga puso'y inaalay namin sa Iyo. Gamitin Mo po kami para sa ikagiginhawa ng aming kapwang nangangailangan.

Tumalima po sana kami sa panawagan ni San Juan Bautista. Magawa po sana naming humingi ng tawad at magpatawad. Turuan Mo po kaming ihanda ang aming mga puso upang magawa naming tanggapin si Hesus. Lalo na po ngayong nalalapit na ang aming paggunita sa araw ng kanyang pagsilang.

Katulad nina Birheng Maria at San Jose, tinatanggap po namin si Hesus sa kabila ng mga balakid. Makita po sana namin Siya sa aming kapwa. Magkamit po sana kami ng galak sa aming pagiging bukas-palad. At mapagtanto po sana naming higit na mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.

Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus na aming Panginoon, Siyang isinilang at nakipamayan sa piling namin. Nananalig kaming muli Siyang babalik sa huling araw. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: