Ikatlong Linggo ng Adbiyento
11 Disyembre 2022
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 15 Disyembre 2013.)
"Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?"
Ito ang tanong ng mga alagad ni Juan Bautista kay Hesus. Mabigat ang tanong na ito dahil kaytagal nang naghihintay ng mga Hudyo ng Mesiyas. Kasalukuyan pa silang napapailalim sa imperyo ng Roma.
Hindi direktang sinagot ni Hesus ang tanong na ito. "Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita...."
Katulad ng mga Hudyo noon, tayo man ay naghahanda sa Pasko ng Kapanganakan ni Hesus at sa muli Niyang pagbabalik sa huling araw. Inihahanda natin ang ating mga sarili upang maging karapat-dapat tayo sa Kanya. Walang sinuman sa atin ang makapagsasabing totoo ngang handa na tayo sa araw na iyon.
Hinihintay natin ang kaharian subalit nalilimutan nating narito na sa lupa ang Kanyang kaharian. Kailangan lamang nating tanggapin sa ating mga puso ang kaligtasang inaalok ni Hesus. Hayaan lamang nating maghari Siya sa ating mga buhay.
Ngayong paparating na Kapaskuhan, ilagay natin sa mga kamay ni Hesus ang buo nating mga buhay. Hindi Niya tayo pababayaan. Hindi ba't nakita ng mga alagad ni Juan na:
"Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita."
Tunay nga ang sinabi ni Hesus "mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!"
Kaya idalangin natin sa Banal na Espiritu na pagkalooban Niya tayo ng sapat na pananalig upang mapawi ang lahat ng ating mga pagduruda. Upang magawa nating manalig na minsan isang Diyos ang isinilang sa isang sabsaban, nagkatawang-tao, upang ang manalig sa Kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya.
Hamak ka man at makasalanan sa paningin mundo, maaari kang maging dakila sa paningin ng Diyos. Simulan mo sa pananalig sa Kanya. Unti-unti. Dahan-dahan. Sumunod ka sa mga Yapak ni Hesus sa Kanyang pagpapakumbaba, paglilingkod at pagsunod sa kalooban ng Ama.
Panalangin:
O aming Ama, purihin ang Iyong dakilang pangalan. Ikaw na palagiang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tulad naming makasalan, sambahin Ka ng aming kaluluwang nagsusumikap na sumunod sa Iyong kalooban.
Alam po naming hindi gano'n kadaling pagningasin ang aming pananampalataya, lalo na po't nasa gitna kami ng mga problema at mabibigat na mga pagsubok. Sa paggabay ng Espiritu Santo, tulungan po Ninyo kaming tumulad kay Juan Bautista. Sa kanyang pagtitiis at mga paghihirap, patuloy siyang sumunod sa Iyong mga plano. Tunay nga pong inihanda ni Juan ang daraanan ng Panginoong Hesus. Hindi Niya itinaas ang kanyang sarili bagkus pinanatili niyang aba ang Kanyang sarili sa harap ng mga tao para sa Iyong ikaluluwalhati.
Sa aming paglalakbay sa mga bana na araw na ito patungo sa aming pag-alaala sa Iyong kapanganakan sa Betlehem, tulungan Mo po kaming matibay. Panatiliin Mo po kaming umaasa sa Iyong mapagpalang kaligtasan.
Tulungan Mo po kaming masumpungan ang Iyong paghahari sa aming mga buhay.
Sa Pangalan ni Hesus. Amen.