Ikaapat na Linggo ng Adbiyento
18 Disyembre 2022
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 22 Disyembre 2013.)
Habang lumalapit tayo sa ating pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng ating Manunubos na si Hesu-Kristo, unti-unti nating hinaharap ang mga realisasyon ng ating panahon. Madalas nating ma-encounter ang tanong na "ramdam mo ba ang Pasko?" At madalas nating masabi sa sarili nating parang hindi nga natin maramdaman ang Christmas Spirit.
Marami sa atin ang magdiriwang ng Paskong tuyo. Walang pera. Walang panregalo. Walang handa. Sasabihin pa ng ibang walang saya.
Para bang napakahirap unawain ang kalooban ng Diyos.
Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, ang naratibo ni San Mateo ng kapanganakan ni Hesus, masasaksihan kung paanong hinipo ng Diyos ang buhay ng dalawang taong nakatakda ng ikasal-- si Birheng Maria na nagdalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ang kanyang mapapangasawang si San Jose.
Nai-imagine ko kung paanong gumuho ang lahat kay San Jose nang malaman niyang buntis si Birheng Maria. Ikaw ba naman ang magkaroon ng kasintahang nakatakda nang ikasal sa iyo-- take note, na iningatan niya at minahal-- tapos malalaman mong buntis samantalang ang alam mo'y birhen siya? Ano kaya ang maging reaksyon mo? Baka magwala ka.
Malinaw ang naging reaksyon ni San Jose. Tinangka niyang lihim na hiwalayan si Birheng Maria. Nagbago lang ang lahat nang magpakita sa kanya ang Anghel Gabriel sa kanyang panaginip upang ipaliwanag ang kalagayan ni Birheng Maria.
Hindi niya kinuwestiyon ang sinabi ng anghel. Agad niya itong sinunod. Buong pananalig niyang tinanggap si Birheng Maria at ang sanggol na si Hesus na nasa sinapupunan nito.
Dahil sa pagsunod na ito ni San Jose naging posible ang Pasko. Natupad ang Pangako ng Diyos na ang mesiyas ay magmumula sa lahi ni Haring David.
Sa gitna ng kawalang nararamdaman natin ngayon-- na kahit na ang pinakamayamang tao man sa mundo ay may nararamdamang kasalatan sa sulok ng kanilang puso-- inaanyayahan tayo ng Diyos na pagnilayan ang mga bagay na higit na mahalaga. Na huwag nating bilangan ang ating mga kakulangan. Bagkus ay bilangin natin ang mga biyayang tinatanggap natin mula sa Diyos.
Pamilya. Buhay. Bagong pag-asa. Bagong simula.
Mahirap mang unawain ang kalooban ng Diyos, katulad ni San Jose, magawa sana nating tanggapin at sundin ito ng buong puso. Naroon man ang kasalatan, patuloy nating purihin at luwalhatiin ang Diyos sapagkat si Hesus ang Emmanuel na ang ibig sabihi'y 'kasama natin ang Diyos'. Hindi niya tayo iiwanan sa ere.
Panalangin:
O aming Ama, Ikaw ay aming sinasamba at palagiang pinapupurihan. Minahal mo kami ng lubos at dahil dito'y ipinagkaloob mo sa sangkatauhan ang Iyong Bugtong na Anak na si Hesus. Hayaan mo pong luwalhatiin Ka namin kahit na sa gitna ng mga bagyo ng aming buhay.
Idinadalangin po namin ang mga kapatid naming naghihirap at nakadarama ng mga kakulangan. Alam po naming hindi madali para sa kanila ang mga nagaganap sa kanilang buhay subalit matutunan po sana nilang unti-unting bumangon upang muling buuin ang isang bagong kinabukasan.
Ama, kaming mga higit na mapalad ay hipunin nawa ng Iyong Espiritu. Tulungan Mo po kaming maging bukas-palad. Turuan Mo kaming magkaloob ng bagong pag-asa sa higit na nangangailangan.
Marami man pong kulang sa buhay namin ngayong Pasko, tulungan Mo po kaming i-appreciate ang mga maliliit subalit higit na mahahalagang mga bagay. Ang puso nami'y punan Mo ng kaligayahang nagmumula sa katotohanang lagi naming kasama ang Diyos.
Sa pangalan ni Hesus, ang Emmanuel na lagi naming kapiling, kasama ng Mo at ng Espiritu Santo. Amen.