Pasko Ng Pagsilang ni Kristo (Hatinggabi) - 25 Disyembre 2013
Tumalon sa: Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Unang Pagbasa: Isaias 9:1-6
1 Ngunit napawi na ang dilim sa bayang matagal nang namimighati. Noong mga nakaraang araw, inilagay niya sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at ang lupain ng Neftali. Ngunit sa panahong darating, dadakilain niya ang lupaing ito, daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga Hentil!
2 Nakakita ng isang maningning na liwanag
ang bayang matagal nang lumalakad sa kadiliman;
sumikat na ang liwanag
sa mga taong naninirahan sa lupaing balot ng dilim.
3 Pinasigla mo ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Nagagalak sila na parang panahon ng anihan,
at parang mga taong naghahati-hati sa nasamsam na kayamanan.
4 Sapagkat binali mo ang pamatok ng kahirapan
at mga bigatin sa kanilang balikat ay pinasan.
Pamalo ng mga mang-aapi, iyong binali
tulad sa Midian na iyong ginapi.
5 Ang panyapak ng mga mandirigma,
at ang lahat ng kasuotang tigmak sa dugo ay susunugin.
6 Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin.
Ibibigay sa kanya ang pamamahala;
at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo,
Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama,
Prinsipe ng Kapayapaan.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Salmo: Awit 96:1-13
1 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
2 Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
3 Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
4 Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
5 Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
6 Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.
7 O si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
8 Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
9 Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.
10 "Si Yahweh ay siyang hari," sa daigdig ay sabihin,
"Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin."
11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
13 Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita
Ikalawang Pagbasa: Tito 2:11-14
11 Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin upang talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at upang makapamuhay tayo ngayon nang may pagpipigil, matuwid at karapat-dapat sa Diyos 13 habang hinihintay natin ang dakilang araw na ating inaasahan. Ito ang pagbabalik ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Inihandog niya ang kanyang sarili upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan at linisin tayo upang maging bayan niyang masigasig sa paggawa ng mabuti.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
Mabuting Balita: Lucas 2:1-14
1 Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. 2 Ang unang sensus na ito ay ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. 3 Kaya't umuwi ang bawat isa sa sari-sariling bayan upang magpatala.
4 Mula sa Nazaret, isang lunsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. 5 Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay kabuwanan na. 6 Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
8 Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. 9 Lumapit at tumayo sa kalagitnaan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang nakakasilaw na kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, "Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban."
13 Bigla nilang nakitang kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,
14 "Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!"
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita