Gospel Reflection
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
23 Enero 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 26 Enero 2014.)
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
23 Enero 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 26 Enero 2014.)
Isang klasikong kuwento:
May isang kahon ng mga palito ng posporo. Matagal nang nasa kadiliman ang mga palito. Sa loob ng kahon ay hindi sila komportable. Siksikan. Masikip.
Isang araw, bumukas ang kahon. Nanggilalas ang mga palito nang makita nila ang liwanag. Isang kamay ang kumuha ng isa sa mga palito at muling isinara ang kahon.
Ang kinuhang palito ay ginamit ng may-ari ng kamay na toothpick. Matapos magtinga, itinapon ng tao ang palito.
Samantala, manghang-mangha pa rin ang mga palito sa loob ng kahon.
Napakaganda ng ating nakita. Sana muli natin iyong makita. Bulungan nila sa isa't-isa na ang tinutukoy ay ang liwanag.
Dumating ang panahong muling binuksan ng kamay ang kahon. Nagulat ang mga palito subalit na-disappoint sila nang wala silang liwanag na nakita.
Kumuha ng isang palito ang tao. Nagulat ang mga palito ng posporo nang ikiskis ng tao ang kinuha nitong palito sa gilid ng kahon. Lumiwanag ang kasama nilang palito.
Nasa loob pala nila ang inaasam-asam nilang liwanag. Kung saan-saan pa sila naghanap.
Ganito tayo. Hinahanap natin ang Diyos sa kung saan-saan. Marami pa nga sa atin ang nagpapalit pa ng relihiyon. Ang hindi natin alam ay nasa loob lang natin ang "liwanag". Nasa loob lang natin ang Diyos. Nasa puso natin Siya. Kumakatok. Naghihintay na ating pansinin.
Sa ating Ebanghelyo ngayong linggo, masasaksihan natin kung paanong nakisalamuha si Hesus sa mga tao. Mababasa natin kung paanong ipinahayag ng ating Panginoon ang Mabuting Balita: "Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit. " (Mateo 4:17)
Lumapit si Hesus- ang Salitang nagkatawang-tao. Hindi man Siya nakilala ng Kanyang bayan ay nakipamayan Siya sa mga makasalanan. Upang ipadama ang pag-ibig ng Diyos. Upang ipagkaloob sa mananalig sa Salita Niya ang kapatawaran, kaligtasan at buhay na walang hanggan.
Kung naguguluhan ka ngayon sa Iyong buhay. Kung nabibigatan ka na sa Iyong mga problema. Nariyan lang si Hesus sa puso mo. Kumakatok. Nagsasabing: "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan." (Mateo 11:28)
Panalangin:
O aming Ama, Ikaw ang bukal ng aming lakas, purihin ang Pangalan Mo.
Masumpungan po sana naming lagi ang liwanag ng pag-asang kaloob ni Kristo. Ang hatid po sana Niyang kapayapaan ay mamayani sa aming mga puso at isipan.
Idinadalangin din po namin ang mga kapatid naming nasa gitna ng kalituhan at naghahanap ng kasagutan. Makatagpo po sana sila ng kapahingahan sa pamamagitan ng pagtanggap nila kay Hesus na patuloy na lumalapit sa amin. Gabayan po sana silang lagi ng Iyong Espiritung laging nagpapabanal.
Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesus. Kasama Niya kami'y nagpapasakop sa Iyong kalooban, kasama ng Espiritu Santo. Amen.