Tao... Hindi Tao Lang!


Unang Linggo Ng Kuwaresma
26 Pebrero 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 09 Marso 2014.)



Madalas nating sabihin kapag nagkakamali tayo,

"Sorry na. Pasensya na, tao lang. Nagkakamali. Puwede namang magkamali, di ba?"

Para sa maraming tao, sapat nang excuse ang pagiging tao para makagawa tayo ng mali o ng kasalanan. Na para bang sinasabi nating likas na mahina ang tao at natural lang na tayo'y matukso at magkasala.

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, matutunghayan natin ang salaysay ukol sa pagtukso ng Diyablo sa ating Panginoong Hesus. Makikita natin kung gaano katuso ang Diyablo sa tangka nitong linlangin si Hesus.

Tinukso si Hesus subalit hindi Siya nagpadala sa tukso ng Diyablo. Katunayan, hindi lang ito ang pagkakataong tinangka ng Diyablo na siluin si Hesus na magkasala. Buong buhay Niya ay tinukso Siya nito.

Naging tao si Hesus. Napagod Siya. Nauhaw. Nagutom. Nasaktan. Tumangis. Na-reject. Napagtaksilan. Ang lahat ng posibleng maramdaman nating negatibo ay naranasan Niya at higit pa roon. Isa Siyang ganap na Diyos subalit pinili Niyang maging katulad natin. Bakit? Itatanong mo?

Nang likhain ng Diyos sina Adan at Eva, nilikha Niya sila ayon sa Kanyang larawan at kalikasan (basahin ang Unang Pagbasa). Walang paghihirap. Hindi nasasaktan. Hindi napapagod. Walang kamatayan. Subalit nang magkasala ang ating unang mga magulang, nawala sa kanila at sa atin ang kalikasan ng Diyos. Nakilala natin ang paghihirap. Nalaman natin kung paano ang masaktan. Napagod tayo. At nagkaroon ng kamatayan.

Sa pagkakatawang-tao ni Hesus na isang Ganap na Diyos, naging katulad muli tayo ng Diyos. Isang Diyos na naging ganap na tao. Nang mamatay si Hesus sa krus, nagtagumpay Siyang sagipin tayo. Namatay ang Diyos na naging tao. Muli nating naging katulad ang Diyos. 

Sumaatin ang kapangyarihang magkamit ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagsunod sa yapak ni Hesus. Isang Diyos na habang nakikipamuhay sa atin ay  binigo ang Diyablong tumutukso sa Kanyang tumalikod sa kalooban ng Ama. 

Kaya sa susunod na sasabihin nating tao lang tayo. Isipin nating tao tayo. Nilikha tayo ayon sa larawan at kalikasan ng Diyos. Isipin nating isang Diyos ang nag-bother na magkatawang-tao dahil sa pag-ibig sa atin. Katulad nati'y tinukso rin Siya. 

Kapag ramdam nating tinutukso tayong gumawa ng kasalanan. Sabihin natin sa ating sarili,

"Tao ako. Hindi tao lang. Katulad ako ng Diyos. Nagkatawang-tao si Hesus para sa akin. Pinasan Niya ang krus ng aking kasalanan. Namatay Siya sa krus para sa akin. Muli Siyang nabuhay sa ikatlong araw para sa akin. Tao ako. Hindi tao lang. "

Panalangin:

O aming Ama, Ikaw lamang ang Diyos na aming sinasamba. Lagi Ka po naming niluluwalhati at pinapupurihan.

Tunay nga pong hindi kami nabubuhay sa tinapay lamang kundi sa mga Salita Mo rin. Ikaw ang aming lakas. Ang pinagmumulan ng aming pag-asa at kaligayahan. Ama, salamat po sa lahat ng mga biyayang ipinagkakaloob Mo sa amin.

Patawarin Mo po ang aming pagiging mahina. Nagpadala po kami sa tukso. Linisin Mo po kami ng dugong itinigis ng Iyong Anak na si Hesus sa krus. Umaasa po kaming lubos sa kaligtasang kaloob Niya.

Makita po sana namin at maramdaman sa araw-araw naming mga buhay ang Iyong pag-ibig na walang maliw.

Sa ngalan ni Hesus, ang Kordero ng Diyos na taos pusong nag-alay ng Kanyang buhay sa krus para sa amin. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: