Pasko Ng Muling Pagkabuhay - 20 Abril 2014
Unang Pagbasa: Gawa 10:34. 37-43
34 At nagsalita si Pedro, "Ngayon ko lubusang naunawaan na talagang walang itinatangi ang Diyos. 37 Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. 38 Kilala ninyo si Jesus na taga-Nazaret at alam din ninyo kung papaanong pinili siya ng Diyos at kung papaanong pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na saanman siya magpunta, gumagawa siya ng kabutihan sa mga tao at nagpapagaling sa lahat ng pinapahirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos.
39 "Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus. 40 Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang makita ng mga tao; 41 hindi siya nakita ng lahat ng tao, subalit nakita namin siya. Kami na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi patungkol dito ay nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 42 Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buhay at mga patay. 43 Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan."
Salmo: Awit 118:1-2. 16-17. 22-23
1 Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Ang taga-Israel, bayaang sabihi't kanilang ihayag,
"Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman."
16 Ang lakas ni Yahweh ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway."
17 Aking sinasabing hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh, taos sa aking puso na isasalaysay.
22 Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
Ikalawang Pagbasa: Colosas 3:1-4
1 Binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, kaya't ang pagtuunan ninyo ng isip ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. 2 Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, 3 sapagkat namatay na kayo at ang inyong tunay na buhay ay natatago sa Diyos, kasama ni Cristo. 4 Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.
Mabuting Balita: Juan 20:1-9
1 Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa pinto ng libingan. 2 Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya dinala!
3-4 Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan noong isa. 5 Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga mamahaling tela. 6 Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, 7 at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga mamahaling tela, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. 8 Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala. 9 Hindi pa nila nauunawaan noon na si Jesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan.