Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo
06 Hunyo 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 22 Hunyo 2014.)
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 22 Hunyo 2014.)
Napapagod ang tao. Alam ito ni Hesus dahil Siya man ay naging taong nakaranas nito. Sa mga pagkakataong napapagod tayo sa mga gawain natin sa araw-araw, nag-iwan si Hesus ng pagkaing magbibigay sa atin ng panibagong lakas. Pinagsasaluhan natin sa banal na misa ang Katawan at Dugo ni Kristo sa anyo ng Tinapay at Alak.
Ang sakripisyong ito ng paghahati ng Tinapay ang nagpalakas sa mga unang mananampalatayang Kristiyano.
Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo, masayang nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at may malinis na kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan rin sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas. (Gawa 2:46-47)
Sa sakripisyo ng Misa, inaalala natin ang pagpapakasakit at kamatayan ni Hesus sa krus. Ang Kanyang pag-aalay ng sarili na pinagtibay Niya sa Hapunang Pampaskuwa bago Siya inaresto ng mga kawal ang nagtatag ng bagong tipan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Sa pamamagitan ng pag-aalay na ito, inaangkin natin ang kaligtasang hatid ni Hesus.
Sa ating pakikiisa sa pag-alaala kay Hesus sa Kanyang banal na hapunan, nakikiisa tayo sa kaisahan ng Banal na Santatlo. Nagpapasakop tayo sa planong kaligtasan ng Diyos na inihayag na ng Ama buhat pa noong una. Na binigyang-katuparan sa pamamagitan ng Anak at patuloy na ipinahahayag sa atin ng Banal na Espiritu. Sapagkat malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. (Juan 6:53)
Panalangin:
Aming Ama, Ikaw na nag-alay ng Iyong Bugtong na Anak upang sagipin sa kamatayan ang mga nananalig sa Kanya, papuri, pagluwalhati at pagsamba ang handog namin sa Iyo.
Gawin Mo po kaming isa sa aming pakikibahagi sa sakripisyo ng paghahati ng Tinapay ng Buhay. Buong puso at buong pagkatao po sana kaming makihati sa Katawan at Dugo ni Hesus na pinagsasaluhan namin sa Banal na Misa. Bigyang-kalakasan po sana kami nito habang sinusunod namin ang Iyong kalooban sa pang-araw-araw naming mga buhay.
Ama, tularan po sana namin ang halimbawa ng aming Panginoong Hesus sa Kanyang paghahandog at kababaang-loob. Gabayan po sana kami ng Espiritu Santo sa aming mga desisyon sa buhay.
Ang lahat po ito at maging ang lahat ng aming mga kahilingan ay itinataas namin sa Pangalan ni Hesus, ang Tinapay ng Buhay, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.