Good Versus Evil


Ika-16 Na Linggo Sa Karaniwang Panahon
23 Hulyo 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 20 Hulyo 2014.)


Noong  bata pa ako, katulad ng maraming bata, mahilig ako sa mga superhero. Kinalakihan ko ang maraming mga cartoons at sci-fi shows katulad ng Transformers, Thundercats, Ghostbusters, Voltes V, Daimos, MaskMan, BioMan, Shaider, Spiderman at marami pang iba. Mapapanood sa nasabing mga palabas ang walang katapusang digmaan sa pagitan ng dalawang puwersa; ang kabutihan at ang kasamaan. 

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, mababasa natin ang parehong digmaan sa anyo ng mga talinghaga.  Partikular ang talinghaga ng mga trigo at damo sa bukirin. 

Makikita natin ang drama habang nag-aagawan ng sustansiya ng lupa ang mga puno ng trigo at mga masasamang damo. Kapwa sila pinasisikatan ng Diyos ng araw. Kapwa rin tumatanggap ng pagdilig ng ulan.

Gano’n ang mga buhay natin. Kapwa tumatanggap ng kabutihan at pag-ibig ng Diyos ang mga mabubuting tao at masasamang tao. Karaniwan nga’y mas madali pang magpakasama dahil karaniwang sila ang nagtatamasa ng mas maraming mga kayamanan at mas maginhawa ang kanilang mga buhay. Katunayan, marami sa kanila ang inaakala nating mga mabubuting tao. Samantalang ang mga mabubuti ay nananatiling mahirap at minamasama pa ng maraming tao ang kabutihan nila.

Madalas mas madaling kalimutan ang Diyos at magpakasarap lang sa buhay.  Magkamal ng kayamanan sa mga ilegal na gawain at magpakalunod sa katanyagan habang inaapakan ang mga karapatan ng mas maliliit. Sa kabilang banda, hindi gano’n kadaling magpakabuti at tumulong sa iba dahil karaniwang nasasakripisyo ang oras na dapat sana’y gugugulin sa paghahanapbuhay. Sabi nga, hindi naglalagay ng pagkain sa mesa ang paggawa ng mabuti.

Ang lahat ay parang isang superhero cartoon show, sa una’y laging nananalo ang masasama. Sabi nga, mabubugbog muna ang bida. Masasaktan. Masusugatan. Hanggang sa tuluyang magwagi ang kabutihan.

Pagdating ng panahon ng pag-aani o ng paghuhukom, iipunin ang mga trigo upang ilagay sa kamalig at ang mga damo nama’y itatapon at susunugin sa siga. Pagbalik ni Hesus sa wakas ng panahon, ang lahat ng tao’y magsusulit sa harapan ng Panginoon. Mabubunyag kung sino ang tunay na naging mabuti at sino ang naging masama. Ang mabuti sa piling ng kaluwalhatian ng Diyos. Ang masama sa dagat-dagatang apoy ng impiyerno.

Eventually, katulad ng pambatang palabas, magwawagi ang kabutihan sa huli. Ang tanong, kung susuriin ang buhay natin ngayon, tayo ba ang bidang superhero o tayo ang kontrabidang super-villain?

Panalangin:

O aming Amang lubos ang pag-ibig sa sangkatauhan, pagluwalhati at pagsamba ang kaloob namin sa Iyo. Kami’y katulad lamang ng isang halamang umaasa sa pagpapala ng pag-ulan at pag-araw na nagmumula sa Iyong walang hanggang kabutihan. Hindi kami karapat-dapat na manatili sa Iyong harapan subalit niloob Mo pong lumapit sa amin sa pamamagitan ni Hesus na Bugtong Mong Anak.

Katulad ng isang trigo, tulungan Mo po kaming mamunga. Maging salamin po sana kami ng paglilingkod na ginawa ng Iyong Anak sa sanlibutang hindi tumanggap sa Kanya. Hindi po kami higit na dakila kaysa kay Hesus. Batid po naming sa paggawa namin ng mabuti, tatanggap kami ng mga pag-uusig at mga paghihirap. Turuan Mo po kaming maging matatag. 

Sa mga pagkakataong kami’y nagiging masamang damo sa aming kapwa at sa Iyo, turuan Mo po kaming magsisi sa aming kasalanan. Pagkalooban po sana kami ng Espiritu Santo ng kababaang-loob upang magawa naming humingi ng tawad. Panginoon, lubha po kaming mahina, bigyan Mo po kami ng lakas upang magawa naming lumakad pabalik sa Iyong kalooban.

Ang lahat ng ito, sa Pangalan ni Hesus na naghasik ng mabuting binhi sa mundo, kasama Mo at ng Espiritu Santo hanggang sa paghuhukom. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: