Landasin Ng Luha

Sunday Gospel Reflection

Ika-14 Na Linggo Sa Karaniwang Panahon

09 Hulyo 2023

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 06 Hulyo 2014.)


Hindi ko maiwasang mapaisip kapag nakakakita ako ng natutunaw na kandila. Naroong madalas na mapapatigil pa ako. Lalo na kapag napagmamasdan ko ang mga luha ng kandila na gumagapang sa kinapapatungan nito. Walang direksyon. Hindi tiyak ang paroroonan.

Ganoon ang buhay ko noon. Siguro safe na sabihing minsan dumarating sa buhay nating lahat ang puntong parang hindi natin alam kung saan tayo pupunta. Para tayong isang bangkang walang layag habang nasa gitna ng dagat. Walang tiyak na pupuntahan.

At minsan, hindi na natin alam kung ano ang gagawin natin. Parang gusto na nating sumuko dahil sa dami ng ating mga problema. Para bang hindi na natin kakayanin ang bigat ng ating mga dalahin. Hindi na natin alam kung saan pa huhugot ng kinakailangang lakas para magpatuloy. Nakakapagod na. Nakakapanghina.

Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, inaanyayahan tayo ni Hesus na lumapit sa Kanya. Inaalok Niya tayo ng isang pag-ibig na hindi magmamaliw. Para Siyang isang binatang nanliligaw sa isang dalaga. Kalakip ng Kanyang paanyaya ang forever-- isang buhay na walang hanggan. Subalit kaiba ito sa mga pangako nating mga tao na "meant to be broken". Tapat Siya sa Kanyang mga Salita. Ang Salita Niya'y katotohanan.

Hanggang kailan natin babalewalain ang Kanyang inaalok na kapahingahan at kapayapaan? Hanggang kailan natin ipagkikibit-balikat ang Kanyang mga Salita? Habang pinagmamasdan natin ang mga landas ng mga luha ng kandila, pagnilayan natin ang buhay nating malayo sa Grasya ng Diyos. Ano ang halaga ng lahat ng ito kung wala Siya?

Panalangin:

O aming Ama, ang aming puso't buong buhay ay ipinagkakaloob namin sa Iyo. Sa Iyong hindi napapagod na alalayan kami sa bawat pagsubok na dumarating sa aming mga buhay. Patuloy Mo po kaming inuunawa sa aming mga pagkukulang at mga kasalanan. Palagi pong bukas ang Iyong mga bisig. Laging handang tanggapin ang mga tulad naming nais na magbalik-loob sa Iyo.

Lubha na pong laganap ang kahirapan sa mundo. Tulungan Mo po kaming makakuha ng panibagong lakas sa mga Salita ng Iyong Anak na patuloy na nag-aanyaya sa aming tanggapin ang kapahingahang Siya lamang ang maaaring makapagkaloob. Kamtin po sana namin ang kapayapaan sa Kanyang piling.

Panginoon yakapin po sana kami ng Banal na Espiritu upang mapalis ang lamig na aming nadarama. Tunawin nawa Niya ang lahat ng galit, inggit at pag-aalinlangan sa aming mga pusong patuloy naming inilalayo kay Hesus.

O Ama, ang lahat ay ipinagkakatiwala po namin sa Inyong mga kamay, sa pamamagitan ni Hesus kasama ng Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: