Kulang Pa Ba?

Gospel Reflection

Ika-27 Linggo Sa Karaniwang Panahon
04 Oktubre 2020
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 05 Oktubre 2014.)


May isang taong nagtanong kay Hesus, "Gaano Mo ako kamahal?"

Hindi nagsalita si Hesus. Idinipa Niya ang kanyang mga braso. Iniunat ang Kanyang mga paa. Nagpapako sa krus, namatay at muling nabuhay para matubos sa kasalanan ang sangkatauhan.

Ganito tayo kamahal ng Diyos. Noong una'y nagpadala Siya ng mga propeta para ibahagi sa tao ang Kanyang awa at pag-ibig. Naging matigas ang ulo ng sambayanan ng Israel. Sa huli, ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak para magkamit tayo ng buhay na walang hanggan. Subalit naging masuwayin pa rin tayo. Hindi natin tinanggap ang Liwanag na hatid ni Kristo bagkus ay pinili nating manatili sa kadiliman.

Madalas tuloy na itanong ko sa sarili ko, kung hindi sasapat ang mga sakripisyong ginawa ni Hesus? Kung hindi sapat ang paghuhubad Niya ng Kanyang pagka-Diyos at ang Kanyang pagiging tila isang mababang Kriminal? Ano ang sapat? 

Ito ang katotohanan ng ating buhay. Patuloy tayong minamahal ng Diyos. Hindi Siya naggi-give-up sa pag-asang isang araw ay maantig ang ating puso at tatalima tayo sa Kanyang mga tawag. Madalas pa rin nating pagdudahan ang katotohanang may Diyos na laging tumutulong sa atin.

Sabi nga ng isa naming sister sa community, "hindi pa lang siguro sila tina-touch ng Diyos. Hindi pa lang siguro dumarating ang milagro sa buhay nila." Maaaring tama Siya. Tutugon sila sa Diyos in God's time. Pero paano kung dumating na 'yung milagrong hinihintay nila pero hindi pa rin sila nanalig? Maraming ganitong mga kaso sa atin. 

Nakaka-experience tayo ng mga daily miracles pero hindi natin napapansin. Busy tayong masyado sa maraming mga bagay. 

Pansinin natin ang mga tao sa bus o sa LRT. Ang lahat ay busy sa kanilang mga cellphones at gadgets. Para bang sinasabi sa atin ng mundo na huwag nating intindihin ang ibang tao. Huwag nating intindihin ang ating paligid. Itutok natin ang buong atensyon natin sa maliit na screen na pinanonood natin. O ipikit natin ang ating mga mata habang nakikinig ng musika sa ating mga headsets. Huwag nating pakialaman ang iba.

Dumating sa mundo ang Kordero ng Diyos na naglilinis ng ating mga kasalanan. Kung hindi ito sapat para magbalik-loob tayo at pagsisihan ang ating mga kasalanan, ano ang sapat?

Panalangin:

Aming Ama, Panginoon namin at Diyos, kami na po ang nagkasala subalit Ikaw pa rin ang gumawa ng paraan upang kami ay matubos, ang aming papuri, pagsamba at pagluwalhati ang lagi naming inaalay sa Iyo.

Turuan Mo po kaming palaging makilala ang Iyong kabutihang hindi kinakapos. Sana po'y magawa naming magpasalamat sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob Mo sa araw-araw. Bilangin po sana naming lagi ang aming mga blessings. Ipanalanging magkaroon ng sapat na pananalig sa pagharap sa aming mga pgsubok. Maniwalang hindi Mo po kami kailanman pababayaan.

Ang aming buhay ay ipinagkakaloob namin sa Inyo. Gamitin Mo po kami bilang mga mapagkumbabang lingkod.

Ama, ang lahat ng ito ay itinataas namin sa pangalan ni Hesus, Diyos na nagkatawang-tao, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: