Ika-26 Na Linggo Sa Karaniwang Panahon
01 Oktubre 2023
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 28 Setyembre 2014.)
Religious people aren't more likely to do good than their nonreligious counterparts. Researchers found that religious and nonreligious people commit similar numbers of moral acts.
Ito ang findings ng isang pag-aaral na ini-report ng Yahoo! News [noong 2014] sa pamamagitan ng isang artikulong may pamagat na Religion Doesn't Make People More Moral, Study Finds.
[Luma na ang findings na ito] subalit nakakalungkot ang realidad na sinasalamin ng nasabing resulta. Ipinapakita nito ang kahinaan ng mga tinatawag na lingkod ng Diyos. Na wala tayong kaibahan sa mga taong itinuturing na makasalanan.
Marami sa atin ang naglilingkod sa loob ng simbahan pero hindi sa labas nito. Nagbibigay ng oras ngunit hindi ng pagmamahal. Naglilingkod sa altar pero hindi sa pang-araw-araw na pamumuhay. Nagdarasal at nagpupuri sa pamamagitan ng mga nguso subalit hindi nagmumula sa puso. Kunwaring naglilingkod pero hindi sumusunod.
Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, hinahamon tayo ng Panginoong Hesus na suriin ang ating mga buhay. Totoo bang sumusunod tayo sa Kanyang mga utos? Namumuhay ba talaga tayo sa landas ng katotohanan ni Kristo? O baka naman puro lang tayo salita. O katulad lamang tayo ng mga pariseo at ng mga eskriba na panlabas at paimbabaw lang ang pagiging maka-Diyos?
Baka nga ito ang dahilan kung bakit hindi natin mai-share si Hesus sa iba. Paano natin ishi-share ang wala sa atin? Paano natin ibabahagi si Hesus sa kapwa natin kung wala Siya sa atin?
Baka nga ito ang dahilan kung bakit hindi natin mai-share si Hesus sa iba. Paano natin ishi-share ang wala sa atin? Paano natin ibabahagi si Hesus sa kapwa natin kung wala Siya sa atin?
Kasabay ng pagsusuri natin sa ating mga sarili, hingin natin sa Espiritu Santong gabayan tayong tumulad sa mga sumunod kay Hesus. Magawa sana natin pagsisihan at talikuran ang ating mga kasalanan. Mamuhay sa halimbawa ni HesuKristo. Magawa sana nating sundan ang Kanyang landas kahit na mahirap.
Tunay na magmahal. Mula sa puso at hindi sa nguso.
Panalangin:
O aming Amang hindi tumitigil na mahabag sa amin, pagsamba at pagluwalhati ang handog namin sa Iyo. Kami'y mga makasalanan subalit patuloy Mo po kaming pinatatawad at minamahal. Ipinagbubunyi po naming lagi ang Iyong banal na pangalan.
Turuan Mo po kaming tunay na sumunod sa Iyong kalooban. Makita po sana ang Iyong kaluwalhatian sa pang-araw-araw naming mga buhay. Si Hesus po sana ang maging sentro ng aming paglilingkod.
Ama, pagmamahal Mo po ang dahilan kung bakit kami naririto, hayaan Mo pong ibahagi namin sa aming kapwa ang pagmamahal Mo sa pamamagitan ng mapagkumbabang pagsunod sa Iyong kalooban.
Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesus, nabubuhay at naghahari kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.