Sa Maghapon Ng Buhay

Gospel Reflection

Ika-25 Linggo Sa Karaniwang Panahon
24 Setyembre 2023

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 21 Setyembre 2014.)


Sa araw-araw na pagtatrabaho, may mga pagkakataong parang patang-pata ang katawan ko sa sobrang pagod. Alam mo 'yung pakiramdam na kung puwede nga lang na humilata ka na lang sa higaan pagdating mo sa bahay? Pero para sa isang amang katulad ko, konsolasyon nang makitang nakangiti ang aking anak. Parang nawawala ang pagod ko kapag nakikipaglaro na 'ko sa kanya. Ito ang nagsisilbing lakas ko sa araw-araw.

Sa Ebanghelyo natin sa Linggong ito, nagkasundo ang may-ari ng ubasan at ang mga trabahador sa suweldong isang denaryo. Ang lahat ay tumanggap ng nasabing halaga, anumang oras sila nag-umpisang magtrabaho. 

Lahat tayo'y tinatawag ng Diyos upang maglingkod sa Kanya. Tayo'y tinatawag Niya sa lahat ng panahon. Ang maghapon sa talinghaga ni Hesus ay kumakatawan sa kahabaan ng ating mga buhay. May mga tinatawag habang sila'y nasa kanilang kabataan. Ang ilan sa ati'y tinawag nang tayo'y nasa katandaan na. Meron namang tinawag sa murang edad pa lamang. Sa ating pagtugon sa tawag ng paglilingkod, umaasa tayo sa gantimpalang mula sa Diyos. Suweldo kumbaga.


Ipinapaalala sa atin ni Hesus na anong panahon man sa ating buhay tayo tumugon sa Kanya, pantay-pantay na pagpapala ang ipinagkakaloob Niya sa Kanyang mga lingkod. Ipinagkakaloob Niya sa bawat isa sa atin ang iisang Espiritu Santong nagbibigay ng mga kaloob. Hindi tayo dapat na mainggit sa mga kapwa-lingkod nating sa pakiramdam nati'y tumatanggap ng higit na biyaya mula sa Diyos.


Pagsikapan nating sa bawat maghapong lumilipas ay patuloy tayong maging epektibo sa ating pagpapahayag ng Kanyang Mabuting Balita. Sikapin nating kamtin ang Kanyang Kaharian habang tayo'y nabubuhay. Hindi mahalaga kung ano ang ating edad o katayuan sa buhay. Ipahayag natin ang pag-ibig Niya sa ating maliliit na paraan. 


Sabi nga ng isang kaibigan ko sa isang group sharing, puwede tayong magpahayag ng Mabuting Balita habang nakasakay tayo sa taxi at nakikipagkuwentuhan sa taxi driver. Gamitin natin ang lahat ng pagkakataon upang maging mabuting manggagawa sa ubasan ng Panginoon.


At pagkatapos ng maghapon sa ating buhay, isang malaking konsolasyon para sa atin na may isang Amang natutuwa sa atin sa tuwing gumagawa tayo ng kabutihan. Pagkatapos sana ng maghapon, masabi natin sa Diyos, "Lord, mission accomplished po!"


Panalangin:


O aming Amang makapangayarihan sa lahat, niluluwalhati at pinupuri Ka po namin. Ang Inyong dakilang pag-ibig ang pinagmulan at dahilan ng aming buhay, ibinabalik po namin sa Inyo ang lahat ng nasa amin upang malaman ng mundo na Ikaw ay iniibig at sinasamba namin.


Panginoon, ipadala po Ninyo sa amin ang Banal na Espiritu upang gabayan kaming maging mabubuting manggagawa sa Inyong ubasan. Turuan po sana Niya kaming sikaping maging katulad ni Hesus sa pagiging mababang-loob at masunurin. Sa aming pagsunod sa Inyong kalooban, tulungan Mo po kaming makita ang lahat ng Iyong biyaya. Lagi po sana namin itong ipagpasalamat at huwag ipagwalang-bahala.


Lagi po Ninyong gabayan ang aming pamilya na lumapit sa Iyo. Ikaw ang aming lakas at ang aming pag-asa.


Ang lahat ng ito ay itinataas namin sa matamis na Pangalan ni Hesus na naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: