Complete Package

Sunday Gospel Reflection

Ika-29 Na Linggo Sa Karaniwang Panahon
22 Oktubre 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 19 Oktubre 2014.)


Buhat nu'ng bata pa ako, lagi ko nang nababasa sa mga poster ng mga kandidato sa eleksyon ang slogan na "Maka-Diyos, makatao, makabayan." Ang tatlong salitang ito ang tila naging batayan ng mga Pilipino sa pagpili ng mga kandidatong iboboto. Ang nasabi ring tatlong mga salita ang naging batayan natin ng isang mabuting tao. Complete package kumbaga.

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, ipinapaalala sa ating bilang mga tao'y hindi tayo mga Kristiyano lamang. Tayo rin ay bahagi ng isang bayan. Tayo ay mga mamamayan din ng isang bansa.

Magkahiwalay ang Simbahan at ang estado. Matagal na natin itong alam. Madalas na natin itong naririnig sa mga diskusyon. Hindi natin puwedeng sabihing tayo'y mga mabubuting Kristiyano kung hindi tayo susunod sa mga batas sa ating bansa. 

May sarili mang set ng mga batas na pinatutupad ang ating gobyerno. Iba man ang mga ito sa batas ng ating pananampalataya. Dapat nating tandaang ginawa ang mga batas na ito upang magkaroon ng kaayusan ang lahat ng tao sa ating bayan. Common good ang dapat na layunin ng bawat batas. Ginawa ang mga ito para makapamuhay tayo ng ayos. Upang maiwasan at maparusahan ang pagtapak sa karapatan ng kapwa-tao.

"...Ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos."

Lagi tayong pinaaalalahanang maging mga mabuting Katoliko. Sa linggong ito, pinaaalala sa ating maging good citizens din. 

Ibigay natin ang para sa Diyos. Ang ating oras sa pagdarasal at pagsisimba. Ang ating pag-aaral ng Kanyang Salita. Ang ating tatlong "T"-- time, treasure and talent

Ibigay din natin ang para sa ating bayan. Sundin ang mga batas-trapiko. Magbayad tayo ng tamang buwis. Panatilihin nating malinis ang ating paligid. Huwag tayong magtapon ng basura sa kung saan-saan. Makilahok tayo sa mga aktibidad ng komunidad. 

At hindi tayo magiging mabuting Katoliko at mamamayan kung hindi tayo magiging makatao. Tumulong tayo sa mga nangangailangan at mga kapus-palad. Huwag tayong maging iba sa ating mga kapitbahay, mga kaklase at mga kasama sa trabaho.

Isang complete package ang hinihingi sa atin ng Diyos. Maging maka-Diyos, makatao, makabayan at maka-kalikasan na rin! 

Panalangin:

Amang makapangyarihan sa lahat, Ikaw ang Hari ng mga hari, ang lahat ng papuri, pagluwalhati at pagsamba ang handog namin sa Iyo. Kami'y nagpapailalim sa Inyong kapangyarihan, kami'y mga lingkod Mo. Gamitin Mo po kami para sa Iyong kaluwalhatian.

Ama, idinadalangin namin ang mga pinuno ng aming Simbahan. Lalo na po ang aming Santo Papa at ang mga obispo. Pagkalooban Mo po sila ng sapat na lakas at kalinawan ng pag-iisip upang maipagpatuloy nila ang kanilang paglilingkod.

Gayundin po, idinadalangin po namin ang mga pinuno ng aming bayan. Unahin po sana nila ang kapakanan ng aming bayan bago ang kanilang mga sariling kapakinabangan. Gabayn po sana sila ng Banal na Espiritu sa kanilang paggawa at pagpapatupad ng mga batas.

Ama, idinadalangin din po namin ang aming mga sarili. Turuan Mo po kaming maging mabuting mga Katoliko at mga mamamayan.

Ang lahat po ng ito sa Pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: