Araw ng mga Kaluluwa
02 Nobyembre 2023
Madalas kong mabasa sa internet lalo na sa feature websites ang mga article tungkol sa lists before you die. Nariyan 'yung movies to watch before you die o places you should visit before you die. (Sabi pa nga ng isang Japanese anime, "things to do before you become a zombie?") Napapaisip tuloy tayo. Ano ba ang dapat nating gawin bago tayo mamatay?
Is there such a list of what to do before you die? Ano ang laman ng nasabing listahan?
Is there such a list of what to do before you die? Ano ang laman ng nasabing listahan?
Sa Araw ng mga Kaluluwa (at sa Araw ng mga Santo sa Nobyembre 1), ipinapaalala sa atin ang isang absolute na pangyayari sa buhay natin; ang kamatayan. Kung mamamatay tayo ngayong araw na ito, saan tayo mapupunta? Sa langit? Sa impiyerno? Sa purgatoryo? Ano ba ang dapat nating gawin para mapunta tayo sa langit o sa paraisong inihanda ng Diyos para sa atin?
Mababasa sa Ebanghelyo natin ang pangako ni Hesus na pagkakalooban Niya ng buhay na walang hanggan ang mga nananalig sa Kanya. Kabilang ka ba sa maliligtas?
Pagsumikapan nating masabihan ni Hesus ng mga katagang ito, na listahan ng mga dapat nating magawa bago tayo mamatay:
Pagsumikapan nating masabihan ni Hesus ng mga katagang ito, na listahan ng mga dapat nating magawa bago tayo mamatay:
"Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan." (Mateo 25:35-36)
Sa huli, hindi mahalaga kung mayaman ka o mahirap, kung mangmang ka o nakatapos sa pag-aaral, kung itim ka o puti. Susukatin tayo sa ipinagkaloob nating pag-ibig. Pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa ang timbangan sa harap ng Panginoon.
Ano ang mga gagawin mo bago ka mamatay? Kasama ba dito ang mga dapat nating gawin para kamtin ang buhay na walang hanggan? Dahil para ano pa at makamtan natin ang lahat sa mundo kung sa huli'y mawawala rin sa atin ang ating buhay?
Panalangin:
Aming Ama, Panginoon at Hari namin, pagpupuri, pagsamba at pasasalamat ang pahatid namin sa banal Mong paanan.
Ama, idinadalangin po namin ang mga mahal namin sa buhay na yumao mula sa mundong ito. Ipagkaloob Mo po sa kanila ang kapayapaan at kaluwalhatiang ipinangako Mo sa mga mga tapat sa Iyo.
Sa araw pong ito, hinaharap namin ang isang katotohanan sa aming mga buhay. Lahat po kami'y mamamatay. Pagdating ng araw na iyon, tulutan Mo pong maging karapat-dapat kami sa kaligtasang ipinagkakaloob Mo. Batid po naming kulang na kulang ang mga kabutihang aming ginagawa. Mapunuan po sana ito ng Iyong pag-ibig na bukal ng awa.
Ama, kami po'y nananalig sa Inyong Anak, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Sa matamis Niyang pangalan, nagpapasakop po kami sa Kanyang paghahari, sa piling Mo at ng Espiritu Santo. Amen.