Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari
26 Nobyembre 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 23 Nobyembre 2014.)
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 23 Nobyembre 2014.)
Isa ito sa mga pamosong linya ng isang dating pangulo ng ating bansa. (Ang isa pa sa paborito niyang linya ay ang so-called na "tuwid na daan.") Kalakip ng linyang ito ang pangako ng tapat na paglilingkod, pakikinig at pagbibigay-prayoridad sa interes ng taong-bayan.
At dahil isa itong Gospel Reflection, hindi ko susubukang i-analyze kung natupad ba ng nasabing dating pangulo ang pangakong ito. Binanggit ko ito upang bigyang-diin ang katotohanang parehong linya rin ang binibitawan natin sa Diyos sa tuwing tayo'y nagdarasal.
Si Hesus ay tinatawag nating Kristong Hari. Ang Hari ng mga hari. Ang Panginoon ng mga panginoon. Lagi nating sinasabing masunod sana ang kalooban ng Diyos sa ating buhay. Na hindi ang kagustuhan natin ang masusunod.
Subalit totoo ba ang mga katagang ito sa pang-araw-araw nating mga buhay? Si Hesus nga ba ang itinuturing nating boss? Ang tunay na nasusunod?
Pagbalik ni Hesus bilang hukom at hari natin, matatanggal ang lahat ng ating mga maskara. Makikita ng lahat ang ating mga pagkukunwari, ating mga pretensions at ating mga kasinungalingan. Matatanglawan ng Liwanag ng Diyos ang lahat ng ginawa natin sa kadiliman. Mabubunyag sa lahat kung sino ang tunay na mabuti at tunay na masama.
Pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ang magiging timbangan ng ating kaparusahan o kaligtasan. Kung iibigin natin ang mga pinakaaba sa ating kapwa, ang pag-ibig na ipagkakaloob natin sa kanila ay kay Hesus natin ibinibigay.
Sa Linggong ito, suriin natin ang ating mga sarili. Sino ba ang ating boss? Si Kristong Hari ba ang tunay nating boss?
Panalangin:
Ama, ang kalooban Mo ang masunod dito sa lupa tulad ng sa langit. Ang aming pagsamba, pagluwalhati at pagpupuri ay kaloob namin sa Iyong banal na paanan.
Turuan Mo po kaming sumunod sa mga halimbawa ni Kristong aming Hari. Maglingkod po sana kami sa Kanya at sa aming kapwa nang may kalakip na pag-ibig. Ama, makita po sana namin Siya sa aming kapwang nangangailangan ng aming pagkalinga at pagmamahal. Kami po nawa'y maging instrumento ng paghipo Mo sa kanilang mga puso at buhay.
Idinadalangin po naming magawa po sana naming paghandaan ang pagbabalik ng aming Hari. Madatnan po sana Niya kaming nakahanda. Sumaamin po sana ang puso at isipang kinakailangan upang kami'y maligtas.
Ang lahat po ng ito sa pangalan ni Kristong Hari, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.