Ikalawang Simbang Gabi
Ikatlong Linggo ng Adbiyento
17 Disyembre 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 14 Disyembre 2014.)
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 14 Disyembre 2014.)
Maraming hirap ang kailangang pagdaanan ng mga casts ng Panuluyan bago sila actual na umarte. Umpisa pa lang ang workshop. Susundan ng mga practices at actual na pagbabahay-bahay. (At aaminin kong taun-taon ay marami akong natututunan sa mga bagong batch ng mga casts.)
Marami sa kanila ang nagku-quit bago pa man makaarte dahil sa maraming kadahilanan. At hindi ko sila masisisi dahil sa takbo ng buhay nating lahat ngayon, parang napakahirap humanap ng panahon para sa mga aktibidad na tulad nito.
Sa gitna ng mga sakripisyo nila, lagi kong binibigyan ng diin ang isang katotohanan. Hindi sila nasa Panuluyan para sa kanilang mga sarili o para sumikat. Naroon sila para ipahayag sa komunidad na minsan may isang Diyos na isinilang sa isang sabsaban. Na si Kristo ay patuloy na kumakatok sa ating mga puso at mga tahanan. Ang kaligtasan at ang Panuluyan ay higit sa kanilang mga sarili.
“Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak.”
Ito ang pahayag ni Juan Bautista tungkol kay Hesus. Hindi niya inaangkin ang papuri bagkus itinutuon ito kay Hesus. Sa ibang salita, katulad ng teatro, hindi niya inangkin ang pagiging bida. Alam niyang maliit na bahagi lamang siya ng planong kaligtasan ng Diyos.
At iyon ang tunay na paglilingkod. Ang limutin ang sarili para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Ginawa ito ni Juan Bautista ng buong kababaang-loob.
Sa ating paghahanda sa Kapaskuhan, lagi sana nating tandaang tayo'y mga instrumento lamang ng kabutihan ng Diyos. Na sa bawat pagbabahagi natin ng ating mga blessings sa ating kapwa, ginagawa natin ito para sa kaluwalhatian ni Hesus.
Sa mga naging bahagi ng Panuluyan sa aming parokya noon at ngayon, maraming salamat at naging bahagi kayo ng aking buhay. Sana'y naging instrumento ako para ipakita sa inyo ang pag-ibig ng Diyos sa bawat isa sa atin.
Panalangin:
Aming Amang Diyos, ang lahat ng papuri, pagluwalhati at pagsamba ay inilalaan po namin sa Iyo. Dakila ang Iyong pag-ibig at kami ay abang mga bunga lamang nito.
Gamitin Mo po kami para sa patuloy na pagpapalaganap ng Iyong Mabuting Balita. Inihahandog ang aming mga buhay para sa Iyong kaluwalhatian. Kung paanong inialay ni Juan Bautista ang kanyang buhay para ihanda ang daraanan ng aming Panginoong Hesus, gayundin po, inaalay namin ang buo naming lakas, katalinuhan at kakayahan para sa Kanyang kaluwalhatian.
Si Hesus ang aming Panginoon, kami'y mga abang lingkod lamang. Kulang na kulang po ang aming mga kabutihan upang ihambing sa Kanyang kabutihang nagmumula sa Kanyang pusong sa ami'y umiibig. Ama, sa pamamagitan Niya, hayaan po Ninyong lumapit kami mga kasalanan sa Iyo.
Magawa po sana naming ihanda ang aming mga puso sa pagdating ng Kapaskuhang ito at sa araw ng pagbabalik ni Hesus.
Sa pangalan ng Salitang isinilang sa isang sabsaban para sa amin, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.