Mga Anak Ng Tupa


Ikaapat Na Linggo Ng Pasko Ng Pagkabuhay
25 Abril 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 26 Abril 2015.)


Tayo'y katulad ng mga tupa. Mahina. Madaling maligaw. Kailangan natin ang paggabay. Ang pag-alalay ng isang Pastol. Si Hesus ang ating Mabuting Pastol. Ipinagkaloob Niya ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan.

Marami sa atin ay mga ligaw na tupa. Katunayan, many of us have lost our sense of sin. Parang normal na lang sa atin ang gumawa ng masama. Ang magtanim ng galit. Ang mainggit. Ang magsinungaling. Ang magnakaw. Ang maging mayabang.

Nagtungo sa mundo at nakipamayan sa atin ang Liwanag na si Hesus pero mas pinili nating magkubli sa dilim. Mas pinili nating maligaw at lumayo sa Kanyang pag-ibig. 

Katulad ng isang mabuting Pastol, lagi tayong hinahanap ni Hesus. Lagi Siyang gumagawa ng paraan upang makasama tayo sa Kanyang kawan. Lagi Niyang tinatawag ang ating pangalan upang lumapit sa Kanya subalit imbis na pakinggan Siya, mas pinipili nating pakinggan ang sinasabi sa atin ng mundo.

At ito ang laging sinasabi ng mundo. Na kailangang yumaman tayo. Unahin natin ang pagpapayaman. Na maganda ang mga bagong gadgets. Na normal lang ang gumawa ng kasalanan. Normal na ang ganitong kaisipan kaya akala natin ito ang tama.

Nawala na ang focus natin sa kung ano ba ang tunay na mahalaga. Gano'n naman kasi ang mga tupa, palibhasa'y malabo ang mga mata.

Marami tayo. Ang iba nga'y mas lalo pang ligaw. Mas malalim pa ang kinalalagyang bangin ng kasalanan. 

Idalangin nating marinig natin ang tinig ni Hesus. Na magawa nating sumunod sa mga utos Niya't halimbawa. Ipinagkakaloob Niya ang kaligtasan at buhay na walang hanggan. Nasa sa atin na kung tatanggapin natin ito.

Tayo'y mga anak ng tupa. Mga mahihina. Mga naliligaw. Si Hesus ang ating Mabuting Pastol. Kung tatanggapin natin Siya'y hindi tayo mapapahamak. Lagi Niya tayong gagabayan. Lagi Niya tayong aalalayan sa ating paglalakbay sa buhay. 

Panalangin:

Aming Diyos Ama, papuri, pagluwalhati at pagsamba ang handog namin sa banal mong pangalan.

Nagpapasalamat po kami sa pagkakaloob Ninyo sa Inyong bugtong na anak. Siya ang pinakadakilang handog ng Iyong pag-ibig sa amin. 

Tulungan Mo po kaming marinig ang Kanyang tinig. Turuan Mo po kaming tanggapin Siya bilang aming Panginoon at Manunubos.

Ama, idinadalangin din po namin ang aming Papa, ang mga obispo at ang buong kaparian, sumunod po sana sila sa halimbawa ni Hesus. Sila ang mga munting pastol ng aming sambayanan. Unahin po sana nila ang kapakanan ng Iyong kawan bago ang kanilang sarili. 

Maakay din po sana namin ang mga katulad naming tupa patungo sa Iyong mapagmahal na mga bisig.

Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: