“Pagdating ng Tagapagtanggol na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatunay tungkol sa akin.” (Juan 15:26)
10-Linggo
11-Lunes
12-Martes
13-Miyerkules
14-Huwebes
15-Biyernes
16-Sabado
_________________________________________
10 Mayo 2015
Ikaanim Na Linggo Ng Pasko Ng Pagkabuhay
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. (Unang Pagbasa: Gawa 10:25-26. 34-35. 44-48; Salmo: Awit 98:1. 2-3. 3-4; Ikalawang Pagbasa: 1 Juan 4:7-10; Mabuting Balita: Juan 15:9-17)
“Ito ang iniuutos ko sa inyo: magibigan kayo.” (Juan 15:17)
_________________________________________
11 Mayo 2015
Unang Pagbasa: Gawa 16:11-15; Salmo: Awit 149:1-9;
Mabuting Balita: Juan 15:26-16:4
26 Pagdating ng Tagapagtanggol na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatunay tungkol sa akin. 27 At magpapatunay din kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula.
1 Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang hindi kayo matisod at mahulog. 2 Ititiwalag nila kayo sa kanilang komunidad, at may oras na sasapit na aakalain ng sinumang papatay sa inyo na pag-aalay ito ng pagsamba sa Diyos. 3 At gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama ni ako. 4 Kaya naman sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko sa inyo ang mga ito.
Hindi ko sinabi sa inyo ang lahat ng ito mula sa simula sapagkat kasama ninyo ako.
12 Mayo 2015
Unang Pagbasa: Gawa 16:22-34; Salmo: Awit 138:1-8;
Mabuting Balita: Juan 16:5-11
5 Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nag-tatanong sa akin kung saan ako papunta, 6 kundi tigib ng lungkot ang inyong puso dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito.
7 Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako’y umalis sapagkat kung hindi ako aalis. hinding-hindi darating sa inyo ang Tagapagtanggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo. 8 At pagdating niya, hihiyain niya ang mundo tungkol sa kasalanan, sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol.
9 Ito ang kasalanan: hindi sila nananalig sa akin. 10 Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, at hindi na ninyo ako mapapansin. 11 At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol.
13 Mayo 2015
Unang Pagbasa: Gawa 17:15-18:1; Salmo: Awit 148:1-14;
Mabuting Balita: Juan 16:12-15
12 Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. 13 Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan.
Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. 14 Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. 15 Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’
14 Mayo 2015
Unang Pagbasa: Gawa 1:15-26; Salmo: Awit 113:1-8
Mabuting Balita: Juan 15:9-17
9 Kung paano ako minamahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. 10 Kung isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isinakatuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa kanyang pagmamahal.
11 Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan at maging ganap ang inyong kagalakan. 12 Ito ang kautusan ko: magmahalan kayo kung paano ko kayo minahal. 13 Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan.
14 Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng kanyang panginoon.
Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigay-alam ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama.
16 Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n’yo sa Ama sa pangalan ko.
17 Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo.
15 Mayo 2015
Unang Pagbasa: Gawa 18:9-18; Salmo: Awit 47:2-7;
Mabuting Balita: Juan 16:20-23
20 Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim. 21 Naninimdim ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang kanyang oras. Ngunit pagkasilang sa sanggol, dahil sa galak ay hindi na niya naaalaala ang kagipitan: isang tao ang isinilang sa mundo.
22 Gayon nga rin kayo naninimdim ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan sa inyo. 23 At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko.
16 Mayo 2015
Unang Pagbasa: Gawa 18:23-28; Salmo: Awit 47:2-10;
Mabuting Balita: Juan 16:23-28
23 At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko. 24 Hanggang ngayo’y wala pa kayong hiningi sa Ngalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang maganap ang inyong kagalakan.
25 Sa mga paghahambing ko ipinangungusap sa inyo ang mga ito. Ngunit may oras na sasapit na hindi sa paghahambing ako mangungusap sa inyo kundi lantaran ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama.
26 Sa araw na ’yon, sa ngalan ko kayo hihingi; hindi ko sinasabi sa inyo na makikiusap ako sa Ama alang-alang sa inyo 27 pagkat iniibig kayo mismo ng Ama dahil iniibig n’yo ako at pinaniniwalaang sa Diyos ako galing. 28 Galing ako sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.