Two-sided Treasures

Gospel Reflection

Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon
21 Hulyo 2021


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 26 Hulyo 2015.)


Dalawa ang side ng ating mga pera-- coins man o bills. Ano kaya ang mararamdaman mo kung bayaran ka ng perang iisang side lang ang may imprenta? Sa ibang salita, fake at walang halaga?
Hindi ba't magagalit ka? O kaya'y malulungkot o madi-disappoint?

Ngayong Linggo ng Misyong Pilipino, ipinapaalala sa atin ng ating Ebanghelyo ang dalawang side ng ating misyon bilang mga Katoliko; ang mahalin ang ating Diyos at mahalin ang ating kapwa.

Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang ito. Hindi natin masasabing mahal natin ang ating Diyos kung hindi natin magagawang paglingkuran at mahalin ang ating kapwa. 

"Kung may magsabi: “Mahal ko ang Diyos” at namumuhi naman siya sa kapatid, sinungaling talaga siya. Hindi niya mahal ang kapatid na kanyang nakikita at paano niya mamahalin ang Diyos na di niya nakikita? At ito ang utos na tinanggap natin sa kanya: Magmahal nawa sa kapatid ang nagmamahal sa Diyos." (1 Juan 4:20-21)

Naging sensitibo si Hesus sa pangangailangan at nararamdaman ng mga tao. Alam Niyang pagod at gutom na ang mga taong sumusunod sa Kanya kaya sila'y pinakain Niya.

At ito rin ang inaatas Niya sa atin. Huwag tayong maging manhid sa ating kapwa; makihati tayo sa kanilang mga paghihirap at nararamdaman. Tulungan natin silang maibsan ang kanilang gutom at pagkauhaw hindi lamang sa Salita ng Diyos kundi sa pangkatawang pagkain at inumin.

(Sabi nga ng isang preacher, "mahirap, kung hindi man imposible, ang mag-evangelize sa mga taong kumakalam ang sikmura.")

Tama at dapat luwalhatiin at sambahin natin ang Diyos subalit dapat nating tandaang ito'y isa lamang sa dalawang mukha ng tunay na paglilingkod. Ganap nating maipakikita ang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pag-ibig din sa kapwa.

Pinag-iipon tayo ni Hesus ng kayamanan sa langit. Kayamanang hindi nasisira o nabubulok. (Mateo 6:19) Ano kaya ang mararamdaman mo kung malaman mong ang iniipon mo palang kayamanan ay walang halaga dahil tulad ito ng isang coin o bill na iisang side lang ang may imprenta?

Dahil ang tunay na kayamanan sa langit ay parang two sided na coin o bill. Ang isang side ay ang pag-ibig sa Diyos. Ang pangalawa'y ang pag-ibig sa kapwa.

Panalangin:

Aming Ama, ipinahayag ni Hesus ang Iyong walang hanggan at mapagpalang awa sa pamamagitan ng pagpapakain Niya sa humigit-kumulang limang libong tao; papuri, pagsamba at pagluwalhati ang kaloob namin sa Iyo.

Ama, idinadalangin po namin ang mga misyonero, lalo na po ang mga kapwa-namin Pilipino. Bigyan po Ninyo sila ng lakas at kalusugan ng katawan at ng kaluluwa upang patuloy nilang magampanan ang kanilang layuning ibahagi sa iba ang Iyong pag-ibig.

Gabayan po sana kami ng Espiritu Santo na maging misyonero rin sa aming mga mumunting paraan. Maipadama po sana namin sa aming kapwa-- mga kapit-bahay, kasama sa trabaho, kaeskuwela-- ang Iyong pag-ibig. Maging salamin po sana ng Iyong kaluwalhatian ang pang-araw-araw naming mga buhay.

Turuan Mo po kaming makihati sa paghihirap nila. Sa pamamagitan nito, matutunan po sana naming tularan ang Iyong Anak na pinasan ang krus ng aming pagkakasala dahil sa pagnanais na sundin ang Iyong kalooban. 

Sa pamamagitan ni Hesus, aming personal na manunubos, na laging nangangalaga at nagpupuno sa aming mga pangangailangan, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: