Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo
“Sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo’y kay Kristo ay tiyak na gagantimpalaan.” (Marcos 9:41)
Unang Pagbasa: Bilang 11:25-29Noong mga araw na iyon, ang Panginoon ay bumaba sa anyo ng ulap at kinausap nga si Moises. Ang pitumpung matatanda ay binahaginan niya ng espiritu, tulad ng ibinigay niya kay Moises. Sila’y napuspos ng kapangyarihan at nagpahayag noon ngunit hindi na nila inulit.
May naiwang dalawang matandang lalaki sa kampamento: Eldad ang pangalan ng isa at yaong isa’y Medad. Tinawag silang kasama ng pitumpu ngunit hindi sumama. Gayunman, binahaginan din sila ng espiritu ng Panginoon kaya sila’y nagpahayag na roon. Nakita pala sila ng isang binata at patakbo itong nagpunta kay Moises. Sinabi niya, “Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo.”
Dahil dito, sinabi ni Josue na anak ni Nun at katulong ni Moises, “Bakit di ninyo sila sawayin?” Ngunit sinabi ni Moises, “Nangangamba ka bang ako’y mababawasan ng karangalan? Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita at mapuspos sila ng espiritu ng Panginoon.”
Salmo: Awit 19:8. 10. 12-13. 14
Tugon: Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos!
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang;
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay.
Yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati.
Pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan;
kapag siya ang humatol, ang pasya ay pantay-pantay.
Ang utos mo, Panginoon, sa alipin mo at lingkod,
ay mayroong gantimpala kapag aking sinusunod.
Walang taong pumupuna sa gawa n’yang hindi angkop,
kaya ako ay iligtas sa lihim na gawang buktot.
Ang lingkod mo ay iligtas sa hayag na kasalanan,
at h’wag mo pong itutulot na ako ay pagharian.
Mamumuhay akong ganap na wala nang kapintasan,
ako’y lubos na lalaya sa kuko ng kasalanan.
Ikalawang Pagbasa: Santiago 5:1-6
Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng tanga ang inyong mga damit. Kinain na ng kalawang ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na uubos sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw laban sa inyo ang upa na hindi ninyo ibinigay sa mga gumapas sa inyong bukirin. Umabot sa langit, sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat, ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpakalayaw kayo at nagpasasa dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na papatayin. Hinatulan ninyo at ipinapatay ang mga matuwid; hindi sila lumaban sa inyo.
Mabuting Balita: Marcos 9:38-43. 45.47-48
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan mo, at pinagbawalan namin sapagkat hindi natin siya kasamahan.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin. Sinasabi ko sa inyo: sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo’y kay Kristo ay tiyak na gagantimpalaan.
Mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan ng isang malaking gilingang bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang kamay kaysa may dalawang kamay na mahulog ka sa impiyerno, sa apoy na hindi mamamatay.
Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mabuti pa ang mapunta ka sa langit nang putol ang isang paa kaysa may dalawang paa na mahulog ka sa impiyerno. At kung ang mata mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo! Mabuti pa ang pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang mata na mahulog ka sa impiyerno. Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang apoy.”