Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
29 Agosto 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 30 Agosto 2015)
Our words and actions tell many things about us!
Pansinin natin ito. Kapag inlove ang isang tao, bukambibig niya ang taong minamahal niya. Kahit nasaan siya o sino ang kausap niya, wala siyang ibang bukambibig kundi ang tungkol sa pagmamahal niya. Malambing siya sa minamahal niya. Akala mo ayaw nang humiwalay kapag kasama niya ang iniibig.
Kapag galit naman ang tao, panay ang mura niya. Nariyang siraan niya ang kagalit niya. Nariyang ibulalas niya kung bakit siya nagagalit. Nakasimangot na siya malayo pa ang kinaiinisan. Nariyang iirap siya at magdadabog kapag nasa malapit na.
Ang ating pakikitungo sa iba at ang ating buhay ang sumasalamin sa kung ano ang laman ng ating puso.
Laging lukot ang mukha ng taong puno ng galit, sama ng loob at inggit ang puso. Mabigat lagi ang kanyang pakiramdam. Laging masikip ang dibdib. Lagi siyang iritado. At makikita ito sa kung paano siya makipag-usap at makisalamuha sa ibang tao.
Sa kabilang banda, maaliwalas naman ang mukha ng taong nakasentro ang buhay kay Kristo. Marunong siyang magpatawad. Hindi siya nagtatanim ng sama ng loob o ng galit. May mga problema man, nagagawa niyang ngumiti kapag nakikipag-interact siya sa iba.
At ito ang isang katotohanan, kung basura ang laman ng puso natin, maaasahan lang na basura din ang lalabas sa atin. At kung si Kristo naman ang laman nito, asahan nating si Kristo ang lalabas sa puso natin. Si Kristo ang masasalamin sa pakikisalamuha natin sa iba.
Ikaw, ano ang laman ng puso mo? Si Kristo ba? Mga basura ba? Maririnig 'yun sa mga lumalabas sa iyong bibig at makikita sa iyong mga ikinikilos?
Panalangin:
Ama, purihin at sambahin ka ng aming kaluluwang naninikluhod sa Iyo. Ikaw ang aming Diyos. Ikaw ang aming Panginoon. Kami'y mga lingkod Mo. Maganap po nawa ang niloloob Mo sa amin.
Kamtin po sana namin ang paggabay ng Espiritu Santo. Linisin po sana Niya ang aming pusong nagsisikap na lumapit sa Iyo. Tanggalin po sana Niya ang lahat ng masasamang isiping nagtutulak sa aming magkasala. Patawarin po Ninyo, Ama, ang aming mga kahinaan. Turuan po sana kaming magpatawad sa mga nakasakit sa amin.
Tulungan Mo po kaming maging mabubuting lingkod. Turuan Mo po kaming umibig sa Iyo at sa aming kapwa.
Batid po naming hindi kami makalalapit sa Iyo kung hindi sa pamamagitan ni Hesus, kaya po idinadalangin po namin ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.