Babala, Asawa Ni...


Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
26 Setyembre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 27 Setyembre 2015)


Minsan akong nasama sa jail ministry sa Malabon City Jail. Nasa early 20's ako noon. Nakisalamuha kami sa mga bilanggong um-attend sa prayer meeting na idinaos sa loob. Nakausap ko ang isang kabataang lalaking sa tantiya ko'y disi-nuwebe pa lang. At hindi ko malilimutan ang kanyang kuwento.

Isa siyang tipikal na teen-ager sa isang mahirap na komunidad sa Malabon. Patambay-tambay. Pabarka-barkada. Sinusubukan ang maraming bagay. Alak. Sigarilyo. Bawal na damo.

Minsan, nakatuwaan ng ilang barkada niyang mangholdap. Hindi niya alam kung bakit siya napasama. Basta hinoldap nila ang isang lalaki. Nakuha na nila ang cellphone at pera ng lalaki. Tapos na, naisip niya. Kailangan na lang nilang tumakas. Pero ikinabigla niya ang sumunod na nangyari.

Inundayan ng saksak ng kasama niya ang lalaki. Alam niyang napuruhan ang biktima. To make the story short, eto ang ending niya. Naaresto siya. Kinasuhan ng pagnanakaw at pagpatay. Noong nag-uusap kami'y dalawang taon na siyang nakakulong. Hindi pa rin tapos ang paglilitis sa mga kaso niya.

Habang kinakausap ko siya, makikita mo sa kanya ang pagsisisi sa kanyang ginawa. Katuwaan lang ang lahat. Hindi naman niya akalaing papatayin ng kasama niya ang lalaki. Dahil sa isang araw ng maling desisyon, ilang taon ang gugugulin niya sa loob ng bilangguan. Nasa huli nga ang pagsisisi.

Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo, isang babala ang binitawan ni Hesus. Magsisi at magbagong-buhay upang hindi tayo mapunta sa impiyerno. "Sa apoy na hindi mamamatay... Doo’y hindi mamamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at hindi mamamatay ang apoy."

Gawin natin ang lahat, sukdulang isakripisyo natin ang lahat, para lang makarating tayo ng langit. Putulin natin ang pinagmumulan ng ating kasalanan. Masamang barkada. Bisyo. Maling paggamit ng social media at ng internet. Mga panoorin o babasahin. Mga maling relasyon. 

Hindi magiging madali ang lahat subalit walang imposible sa pangalan ni Hesus. Hindi natin magagawang sagipin ang ating sarili. Hindi natin kayang magpakabuti kung ang aasahan lamang natin ay ang sarili nating kakayahan. Kailangan natin ang paggabay ng Espiritu Santo. Tandaan nating ang kaligtasan at ang buhay na walang hanggan ay biyayang mula sa Diyos.

Kung iisipin, mabuhay man tayo ng sandaang taon. At kung sa sandaang taon ng buhay ay wala tayong gagawin kundi ang magpakasarap at magpakasama. Saglit lang ang ginhawa at buhay natin kung ikukumpara sa walang hanggang gugugulin natin sa impiyerno kung nagkataon. At sasandali lang ito kumpara sa mawawala sa ating walang hanggang buhay sa piling ng kaluwalhatian ng Diyos. 

Nasa atin ang freewill. Nasa atin ang desisyon. Kanino ka panig? Hindi ka panig kay Hesus kung laban ka sa Kanyang mga utos at kung hindi mo Siya tatanggapin bilang Personal mong Tagapagligtas. Diretso ka sa impiyerno kung hindi ka nabubuhay ayon sa Kanyang halimbawa. At ang pinag-uusapan natin dito'y hindi lang iilang taong sintensya. Ikaw ang pumili. Sandaling sarap? 

Babala, nasa huli ang pagsisisi!

Panalangin:

Ama naming makapangyarihan sa lahat, bukal ng awa at ng walang hanggang awa, pagsamba, pagluwalhati at pagbubunyi ang aming kaloob sa matamis Mong pangalan.

Ama, ipinagkaloob Mo sa amin ang aming buhay. Ang lahat ng sa amin ay sa Iyo nagmula. Sa pamamagitan ng pagtubos ni Hesus sa amin sa Kanyang pasyon at muling pagkabuhay, ipinagkakaloob Mo sa amin ang pagkakataong makapiling Ka sa buhay na walang hanggan. 

Inaangkin namin ang katubusan. Inaangkin namin ang Buhay. Sa paggabay ng Espiritu Santo, matutunan po sana naming mabuhay sa paggabay ng Salita ni Hesus. Buong puso po sana naming pagsumikapang kamtin ang Iyong paghahari sa buhay na ito at sa kabila. Matuto pa kaming umibig. Matuto pa kaming magmalasakit.

Sa pangalan ni Hesus na aming kapangyarihan, kasama Mo at ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari mula pa noong una, ngayon at magpasawalang-hanggan. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: