Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon - 18 Oktubre 2015

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko? Pabibinyag ba kayo sa binyag na daranasin ko?” (Marcos 10:38)

Unang Pagbasa: Isaias 53:10-11

Sinabi ng Panginoon, “Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko; inihandog niya ang sarili upang sa pamamagitan noon ay magkaroon ng kapatawaran. Dahil dito’y mabubuhay siya nang matagal, makikita ang lahing susunod sa kanya. At sa pamamagitan niya’y maisasagawa ang aking panukala. Pagkatapos ng pagdurusa, lalasap siya ng ligaya, malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis. Ang aking tapat na lingkod at lubos kong kinalulugdan ang siyang tatanggap sa parusa ng marami, at alang-alang sa kanya sila’y aking patatawarin.”


Salmo: Awit 33: 4-5. 18-19. 20-22


Tugon: Poon, pag-asa ka namin, 

           pag-ibig mo’y aming hiling!

Panginoo’y tapat sa kanyang salita, 

at maaasahan ang kanyang ginawa. 
Minamahal niya ang gawang matapat, 
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.

Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala 

sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga. 
Hindi babayaang sila ay mamatay, 
kahit magtaggutom sila’y binubuhay. 

Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon; 

siya ang sanggalang natin at katulong. 
Ipagkaloob mo na aming makamit, 
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig, 
yamang ang pag-asa’y sa ‘yo nasasalig!

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 4:14-16


Mga kapatid: Magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, yamang mayroon tayong dakilang saserdote na pumasok sa kalangitan sa harapan ng Diyos, walang iba kundi si Hesus na Anak ng Diyos. Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala. Kaya’t huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos at doo’y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito.


Mabuting Balita: Marcos 10:35-45


Noong panahong iyon, lumapit kay Hesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, at ang sabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” “Ano iyon?” tanong ni Hesus. Sumagot sila, “Sana’y makaupo kami katabi ninyo sa inyong kaharian – isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Hesus sa kanila. “Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko? Pabibinyag ba kayo sa binyag na daranasin ko?” 


“Opo,” tugon nila. Sinabi ni Hesus, “Ang hirap na babatahin ko’y babatahin nga ninyo, at kayo’y bibinyagan sa binyag na daranasin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo’y para sa mga pinaghandaan.” 


Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya’t pinalapit sila ni Hesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay siyang pinapanginoon, at ang mga dinadakila ay siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 


Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat.”


Mga kasulyap-sulyap ngayon: