Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon
19 Setyembre 2021
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 20 Setyembre 2015)
1 - 1 = 3
Kung titingnan, mathematically incorrect ang equation o mathematical statement sa itaas. Paanong mangyayari na magiging three ang sagot kung babawasan mo pa ng isa ang isa? Dapat ay zero?
Ganito tayo mag-isip. Ito ang dahilan ng marami kung bakit ayaw nating magbigay o magbahagi. Ayaw nating mabawasan ang nasa ating sa tantiya nati'y kulang pa.
Ganito ring mag-isip ang mga apostol. Sumusunod sila kay Hesus upang makasalo sila sa Kanyang kadakilaan. Hindi nga ba't hindi nila naintindihan ang ukol sa paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus? Subalit nagawa nilang magtalu-talo kung sino ang pinakadakila sa kanila.
Ibang-iba ang pakahulugan nila sa pagiging Mesiyas ni Hesus. Ang nakikita nila sa Kanya'y isang haring katulad ni Haring David na magliligtas sa Israel sa pananakop ng Imperyo ng Roma. Isang dakilang haring pinaglilingkuran ng lahat.
Subalit ibang kadakilaan ang ipinakilala sa kanila ni Hesus. Kung gusto mong maging dakila, magsakripisyo ka. Kung gusto mong maging una sa lahat, maging lingkod ka ng lahat. Kung gusto mong magkamit ng marami, magbigay ka.
Pansinin natin, kailan ba natin matatawag na dakila ang isang tao? Halimbawa, itinuturing na isa sa pinakadakilang bayani natin si Jose Rizal. Naging dakila siya dahil sa naibahagi niya para mamulat ang ating bayan ukol sa kalayaan at sa pag-aalay niya ng kanyang sariling buhay.
Dakila ang isang pintor dahil sa mga obrang ibinahagi niya sa mundo. Gayon din ang mga kompositor at mga alagad ng iba pang anyo ng sining. Nag-uukol sila ng maraming oras at sakripisyo para maging extraordinary ang kanilang mga likha.
Dakila ang mga santong martir dahil sa pag-aalay nila ng buhay para sa Mabuting Balita. Ang iba pang santo'y naging dakila dahil sa mga pagsasakripisyo nila at gawang kabanalan.
Sa ibang salita, nagbahagi sila kaya sila naging dakila. At hindi lang ito ordinaryong pagbibigay. Pagkakaloob ito ng higit pa sa inaasahan sa kanila ng sinuman.
"Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano?" (Mateo 5:46-47)
At kung iuugnay naman natin sa kayamanan, kapangyarihan at katanyagan ang kadakilaan, isipin nating marami ang naghangad at nagkamit ng mga ito. Sa kasawiang-palad, marami sa kanila ang naaalala natin dahil sa kanilang pagnanakaw at mga kasamaan.
Ang pag-aalay ni Hesus ang ganap na larawan ng kadakilaan. Nilimot Niya ang Kanyang sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Nag-alay Siya ng Kanyang buhay para sa atin.
Tandaan nating sa ating pag-iimpok ng kayamanan sa langit, ang one minus one is equals three. Maaaring mathematically incorrect. Maaaring malayo sa realidad. Subalit tandaan nating sa bawat nababawas sa atin para ibigay sa pinakamaliliit nating mga kapatid, nadaragdagan ang ating kadakilaan sa mata ng Diyos. Siya ang nakakikita ng ating mga intensyon at Siya rin ang magkakaloob sa atin ng nararapat sa atin.
Panalangin:
Aming ama, tuldok lang kami kung ikukumpara sa Iyong kadakilaan. Sambahin at luwalhatiin ka po sana ng aming mga kaluluwang nalayo sa Iyo. Pinupuri at pinasasalamatan Ka po namin sa Iyong kabutihan.
Turuan po sana kami ng Espiritu Santong tumulad sa halimbawa ng Iyong Anak na nagkaloob ng lahat para matubos kami sa kasalanan at masunod ang Iyong kalooban.
Bigyan Mo po kami ng pusong umiibig sa aming kapwa. Ng katawang nagsasakripisyo para maibahagi sa iba ang pag-ibig Mo. Ng mga bukas na palad na handang magkaloob sa nangangailangan.
Hinahangad po naming makasalo sa kaluwalhatian ang Iyong kadakilaang walang hanggan. Kami'y mga lingkod Mo, gamitin Mo po kaming instrumento ng Iyong kalooban.
Sa pangalan ni Hesus, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.