What Can You Give Today?

Gospel Reflection

Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
11 Nobyembre 2018
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.



Tayong lahat ay blessed.

Binibiyayaan tayo ng Diyos buhat pa noong una. Naroon na ang biyaya ng pag-ibig Niya noong ipinaglilihi pa lamang tayo ng ating ina. Na-develop tayo sa sinapupunan ng ating ina. Isinilang sa mundo. Nabiyayaan ng liwanag at ng buhay. Inaruga ng mga magulang hanggang sa maging kung sino tayo ngayon.

Walang patid ang pagkakaloob Niya ng grasya sa atin. Walang katapusan at limitasyon ang Kanyang kabutihan.

Sabi nga lagi ng mga pari at ng mga lay preachers, mapalad tayo dahil humihinga pa tayo. At hindi natin binabayaran ang hangin. Maraming mga nakaratay sa ospital na kailangan pang magbayad para lang makahinga sa tulong ng supply ng oxygen.

Gumigising tayo tuwing umaga. Maaaring bitin ang tulog. Pero sabi nga ng mga komedyante, "mabuti nang walang tulog kaysa walang gising." At totoo ito dahil marami sa mga natutulog ang hindi na nagigising. Mapalad pa rin tayo at nagising tayo. Isang magandang biyaya ang bawat umaga.

Tunay ngang marami tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Kung titingnan lamang natin ang mga blessings at hindi tayo magfo-focus sa ating mga kakulangan, malalaman natin kung gaano kabuti ang Diyos. Thank god.

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, hinahamon tayo ni Hesus na hindi lang magwakas sa mga labi natin ang ating pasasalamat. Put our thanksgiving into action. Ibalik natin sa Kanya ang pag-ibig na ipinagkakaloob Niya.

Magbigay tayo sa Diyos at sa ating kapwa. At hindi lang basta pagbibigay ng sobra o excess ang hinihingi Niya sa atin. Give till it hurts. Magbigay tayo ng may kasamang pagsasakripisyo. Magbigay tayo ng labas sa ating comfort zone. Give with love. Give with passion.

Maging channel tayo ng pag-ibig ng Diyos. Makita sana ng kapwa natin sa mga buhay natin ang kabutihan at ang pag-ibig Niya.

So much was given to us. Panahon na siguro para tayo naman ang magkaloob. Na hindi na lang tayo puro tanggap ng tanggap. Ibahagi rin natin ang mga blessings natin. At hindi lang materyal na biyaya ang pinag-uusapan natin dito.

God has blessed you! What can you give today?

Panalangin:

Aming Amang lubos ang pagmamahal sa sangkatauhan, sinasamba Ka po namin, niluluwalhati at binibigyang-papuri.

Pinasasalamatan po namin ang lahat ng mga biyayang tinatanggap namin sa araw-araw. Tunay nga pong siksik, liglig at umaapaw pa ang aming tinatanggap namin mula sa Iyo.

Higit po sa lahat, pinasasalamatan po namin ang pagkakaloob Mo sa Iyong bugtong na Anak upang tubusin buhat sa kasalanan at kamatayan ang santinakpan.

Turuan Mo po kaming maging bukas-palad. Ipadala Mo po sa amin ang Banal na Espiritu upang maging mga daluyan kami ng Iyong pag-ibig. Turuan po sana Niya kaming magbahagi sa aming kapwa.

Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, na hindi nangiming ibigay ang buo Niyang sarili para sa amin, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: