03 - 09 Enero 2016



Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.” (Mateo 4:16)

03 Enero
04 Enero
05 Enero
06 enero
07 Enero
08 Enero
09 Enero


03 Enero 2016
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon 
(Unang Pagbasa: Isaias 60:1-6; Salmo: Awit 71; Ikalawang Pagbasa: Efeso 3:2-3.5-6; Mabuting Balita: Mateo 2:1-12)

Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria. Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. (Mateo 2:11)

04 Enero 2016
Unang Pagbasa: 1 Juan 3:22–4:6; Salmo: Awit 2:7-12;
Mabuting Balita: Mateo 4:12-25

12 Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo siya pa-Galilea. 13 Hindi siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali.

14 Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: 15 “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano.

16 Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.”

17 At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagong-buhay; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.”

18 Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang  magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. 19 Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”

20 Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

21 Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.

23 Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao.

24 Lumaganap sa buong Siria ang balita tungkol sa kanya. Kaya dinala sa kanya ang mga may karamdaman, ang lahat ng naghihirap dahil sa sakit, ang mga inaalihan ng demonyo, ang mga nasisiraan ng bait, ang mga paralitiko, at pinagaling niya silang lahat. 25 Sinundan siya ng maraming taong galing sa Galilea, sa Sampung Lunsod, sa Jerusalem, sa Judea at sa kabilang ibayo ng Jordan.


05 Enero 2016 
Unang Pagbasa: 1 Juan 4:7-10; Salmo: Awit 72:1-8;
Mabuting Balita: Marcos 6:34-44

34 Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.

35 Nang humahapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras.” 36 Paalisin mo sila nang makapunta sila sa mga nayon at bukid sa paligid at makabili ng kani-kanilang makakain.”

37 Ngunit sumagot si Jesus sa kanila: “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sinabi naman nila: “At kami pa pala ang bibili ng tinapay – dalawandaang denaryo, di ba? At bibigyan namin sila.” 38 Ngunit sinabi niya: “Ilang tinapay meron kayo? Sige, tingnan ninyo.” At pagkatingin nila ay kanilang sinabi: “Lima at may dalawa pang isda.”

39 Kaya iniutos niya sa kanila na paupuin nang grupu-grupo ang makapal na tao sa berdeng damuhan. 40 At naupo silang grupu-grupo, tigsasandaan at tiglilimampu. 41 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad para ibigay din nila sa mga tao. Gayundin naman, hinati niya ang dalawang isda.

42 At kumain silang lahat at nabusog, 43 at inipon nila ang mga natirang pira-piraso – labindalawang punong basket ang mga piraso ng tinapay pati na ang mga piraso ng isda. 44 Mga limanlibong lalaki ang napakain.


06 Enero 2016
Unang Pagbasa: 1 Juan 4:11-18; Salmo: Awit 72:1-13;
Mabuting Balita: Marcos 6:45-52

45 Agad na pinilit ni Jesus na sumakay sa bangka ang mga alagad at pinauna sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. 46 At pagkapaalis niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin.

47 Nasa laot na ang bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa. 48 Nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan sapagkat pasalungat ang hangin. Kaya nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat at waring lalampas sa kanila. 49 Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. 50 Nakita nga siya nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad niya silang kinausap: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.”

51 Nang nakasakay na siya sa bangka kasama nila, tumigil ang hangin kaya lalo pa silang namangha. 52 Hindi nga nila naunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi sarado ang kanilang isip.


07 Enero 2016
Unang Pagbasa: 1 Juan 4:19–5:4; Salmo: Awit 72:1-17;
Mabuting Balita: Lucas 4:14-22

14 Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. 15 Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya ng lahat.

16 Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, 17 at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias.

Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: 18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Pangi-noon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, 19 at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.”

20 Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. 21 Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.”

22 At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?” 


08 Enero 2016
Unang Pagbasa: 1 Juan 5:5-13; Salmo: Awit 147:12-20;
Mabuting Balita:  Lucas 5:12-16

12 Nang nasa isang bayan si Jesus, may isang taong tadtad ng ketong doon. Nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya at nakiusap sa kanya: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.”

13 Kaya iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyo’y iniwan ng ketong ang lalaki. 14 Iniutos sa kanya ni Jesus: “Huwag mo itong sabihin kanino man kundi pumunta ka sa pari para masuri ka niya at maialay alang-alang sa iyo ang handog na iniutos ni Moises para magkaroon sila ng patunay.”

15 Ngunit lalo namang kumalat ang balita tungkol sa kanya at pumunta sa kanya ang maraming tao para makinig at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. 16Kaya madalas na mag-isang pumupunta si Jesus sa mga ilang na lugar para manalangin.


09 Enero 2016
Unang Pagbasa: 1 Juan 5:14-21; Salmo: Awit 149:1-9;
Mabuting Balita:  Juan 3:22-30

22 Pagkatapos nito, pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at tumigil siya roong kasama nila at nagbinyag. 23 Nagbibinyag din noon si Juan sa Ainon na malapit sa Salim dahil maraming tubig doon, at may mga nagsisidating at nagpapabinyag. 24 Hindi pa nabibilanggo noon si Juan.

25 At nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paghuhugas. 26 Pinuntahan nila si Juan at sinabi sa kanya: “Rabbi, ang kasa-kasama mo sa ibayo ng Jordan, na pinatunayan mo, nagbibinyag siya ngayon at sa kanya pumupunta ang lahat.” 27 Sumagot si Juan: “Walang anumang makukuha ang isang tao malibang ibigay ito sa kanya ng Langit. 28 Kayo mismo ang makapagpapatunay na sinabi kong ‘Hindi ako ang Mesiyas kundi sinugo akong manguna sa kanya.’ 29 Sa nobyo ang nobya. Naroon naman ang abay ng nobyo para makinig sa kanya at galak na galak siya sa tinig ng nobyo. Ganito ring lubos and aking kagalakan. 30 Dapat siyang humigit at ako nama’y lumiit.”

03 Enero
04 Enero
05 Enero
06 enero
07 Enero
08 Enero
09 Enero

Mga kasulyap-sulyap ngayon: