27 Marso - 02 Abril 2016



“Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal.” (Marcos 16:15)

27 Marso
28 Marso
29 Marso
30 Marso
31 Marso
01 Abril
02 Abril


27 Marso 2016
Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay


Nakita niya ang mga kayong lino, at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. (Juan 20:6-7)


28 Marso 2016
Pagbasa: Gawa 2:14-32; Salmo: Awit 16:1-11;
Mabuting Balita: Mateo 28:8-15

8 Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad.

9 Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.”

11 Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga punong-pari ang lahat ng nangyari. 12 Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, 13 at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. 14 Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” 15 Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.


29 Marso 2016
Pagbasa: Gawa 2:36-41; Salmo: Awit 33:4-22;
Mabuting Balita: Juan 20:11-18

11 Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. 12 At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus. 

13 Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” 14 Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon. 

15 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.”

16 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Maria!” Pagkaharap niya’y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni!” (na ibig sabihi’y Guro). 17 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’” 

18 Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.”


30 Marso 2016
Pagbasa: Gawa 3:1-10; Salmo: Awit 105:1-9;
Mabuting Balita: Lucas 24:13-35

13 Nang araw ring iyon, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. 15 Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila 16 pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala.

17 Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. 18 Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang araw?”

19 Itinanong niya: “Ano?” Sumagot sila: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. 20 Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. 21 Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito.

22 Sa totoo’y ginulat kami ng ilang babaeng kasama namin. Maaga silang pumunta sa libingan 23 pero hindi nila nakita ang kanyang katawan kaya dumating sila at sinabi sa amin na nakakita pa raw sila ng aparisyon ng mga anghel na nagsabi sa kanila na buhay siya. 24 Nagpunta rin sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila ang sinasabi ng mga babae pero hindi nila siya nakita.”

25 Sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta. 26 Di ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang Luwalhati?” 27 At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta.

28 Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. 29 Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. 30 Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila.

31 At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. 32 Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?”

33 Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. 34 Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” 35 At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.


31 Marso 2016
Pagbasa: Gawa 3:11-26; Salmo: Awit 8:2-9;
Mabuting Balita: Lucas 24:35-48

35 At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.

36 Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). 37 Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. 38 Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (40 Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.)

41 Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” 42 At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). 43 Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila.

44 Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.”

45 At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. 46 Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. 47 Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan – sa Jerusalem kayo magsisimula. 48 Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito. 49 Ipadadala ko naman ngayon sa inyo ang ipinangako ng aking Ama kaya manatili kayo sa lunsod hanggang mabihisan kayo ng lakas mula sa itaas.”


1 Abril 2016 
Pagbasa: Gawa 4:1-12; Salmo: Awit 118:1-27;
Mabuting Balita: Juan 21:1-14

1 Pagkaraan ng mga ito, muling ibinunyag ni Jesus ang sarili sa mga alagad sa may Dagat ng Tiberias. Ganito ang kanyang pagbubunyag.

2 Magkasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa  mga alagad niya. 3 Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Sinabi nila sa kanya: “Sasama kami sa iyo.” 

Lumabas sila at sumakay sa bangka nang gabing iyo’y wala silang nahuli. 

4 Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. 5 Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” 6 Kaya sinabi niya sa kanila: “Ihagis n’yo ang lambat sa bandang kanan ng bangka at makakatagpo kayo.” Kaya inihagis nga nila at hindi na nila makayang hilahin iyon dahil sa dami ng isda. 

7 Kaya sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus: “Ang Panginoon siya!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, ibinigkis niya ang [kanyang] damit dahil hubad siya, at saka tumalon sa dagat. 8 Dumating namang sakay ng maliit na bangka ang iba pang mga alagad pagkat hindi sila kalayuan mula sa pampang kundi mga sandaang metro lamang. Hila-hila nila ang lambat ng mga isda. 

9 At pagkalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na pinagiihawan ng isda, at may tinapay. 

10 Sinabi sa kanila ni Jesus: “Magdala kayo mula sa mga isdang nahuli n’yo ngayon.” 11 Kaya sumakay si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. At kahit na napakarami’y hindi napunit ang lambat. 

12 Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Walang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Sino ba kayo?” dahil alam nilang ang Panginoon iyon. 13 Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin sa isda. 

14 Ito ngayon ang ikatlong pagbubunyag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay. 


2 Abril 2016
Pagbasa: Gawa 4:13-21; Salmo: Awit 118:1-21;
Mabuting Balita: Marcos 16:9-15

9 Pagkabuhay ni Jesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang napakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. 10 Umalis ito at nagbalita sa mga kasama ni Jesus na noo’y umiiyak at nagluluksa. 11 Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Jesus at napakita sa kanya.

12 Pagkatapos nito, napakita naman si Jesus sa ibang anyo sa dalawa sa kanila habang papunta sila sa labas ng bayan. 13 At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pa pero hindi rin naniwala ang mga ito sa kanila.

14 Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, napakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin.

15 At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal.”

27 Marso
28 Marso
29 Marso
30 Marso
31 Marso
01 Abril
02 Abril

Mga kasulyap-sulyap ngayon: