10 - 16 Abril 2016



“Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin.  (Juan 6:35)

10 Abril
11 Abril
12 Abril
13 Abril
14 Abril
15 Abril
16 Abril


10 Abril 2016
Ikatlong Linggo ng Muling Pagkabuhay


Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” (Juan 21:17)


San Estanislao
11 Abril 2016
Pagbasa: Gawa 6:8-15; Salmo: Awit 119:23-30;
Mabuting Balita: Juan 6:22-29

22 Kinabukasan napuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng dagat na dati’y walang ibang bangka doon kundi isa lang at hindi sumakay sa bangka kasama ng kanyang mga alagad si Jesus kundi ang kanyang mga alagad lamang ang magkakasamang umalis. 23 May iba namang malalaking bangkang galing Tiberias na dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay pagkapagpasalamat ng Panginoon. 24 Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus ni ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at nagpa-Capernaum sa paghanap kay Jesus. 

25 Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng dagat, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan ka dumating?”

26 Sumagot sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n’yo ako hindi dahil sa nakita n’yo sa pamamagitan ng mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain n’yo at nabusog kayo. 27 Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing namamalagi hanggang buhay na magpakailanman. Ito ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.”

28 Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga gawa ng Diyos?” 29 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Ito ang gawa ng Diyos: patuloy kayong manalig sa sinugo niya.”


12 Abril 2016
Pagbasa: Gawa 7:51–8:1; Salmo: Awit 31:3-21;
Mabuting Balita: Juan 6:30-35

30 Kaya sinabi nila sa kanya: “At anong tanda ang matatrabaho mo para makita nami’t maniwala kami sa iyo? Ano ba’ng gawa mo? 31 Kumain ng manna sa disyerto ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: Binigyan sila ng tinapay mula sa langit at kumain sila. 

32 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang Ama ko ang nagbibigay sa inyo ng totoong tinapay mula sa Langit. 33 Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” 34 Kaya sinabi nila sa kanya: “Lagi n’yo pong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” 

35 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin. 


San Martin I
13 Abril 2016
Pagbasa: Gawa 8:1-8; Salmo: Awit 66:1-7;
Mabuting Balita:  Juan 6:35-40

35 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin. 36 Pero sinabi ko sa inyo: nakita n’yo, at hindi naman kayo naniniwala. 

37 Lalapit sa akin ang bawat ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. 38 Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi para gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin. 

39 Ito ang kalooban ng nagpadala sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang bawat ibinigay niya sa akin; sa halip ay itatayo ko ito sa huling araw. 40 Ito nga ang kalooban ng Ama ko: magkakaroon ng buhay magpakailanman ang bawat pumapansin sa Anak at nananalig sa kanya, at itatayo ko siya sa huling araw.”


14 Abril 2016
Pagbasa: Gawa 8:26-40; Salmo: Awit 66:8-20;
Mabuting Balita: Juan 6:44-51

44 Walang makalalapit sa akin kung hindi siya aakitin ng Amang nagpadala sa akin. At itatayo ko siya sa huling araw. 45 Nasusulat sa Mga Propeta: Tuturuan nga silang lahat ng Diyos. Kaya lumalapit sa akin ang bawat nakarinig at tinuruan ng Ama. 

46 Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. 47 Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay magpakailanman ang naniniwala.

48 Ako siyang tinapay ng buhay. 49 Kumain nga ng manna sa disyerto ang inyong mga ninuno at nangamatay pa rin. 50 Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang makakain nito ang sinuman at di mamatay. 51 Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.


15 Abril 2015
Pagbasa: Gawa 9:1-20; Salmo: Awit 117:1-2;
Mabuting Balita: Juan 6:52-59

52 Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” 53 Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. 54 May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw.

55 Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. 56 Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. 57 Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya sa akin. 

58 Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.”

59 Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.


16 Abril 2016
Pagbasa: Gawa 9:31-42; Salmo: Awit 116:12-17;
Mabuting Balita: Juan 6:60-69

60 Nang marinig ito ng kanyang mga alagad, marami sa kanila ang nagsabi: “Mabigat ang salitang ito. Sino ang makakapakinig dito?” 

61 Alam ni Jesus sa kanyang sarili na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? 62 Ano kayat mapansin n’yo ang Anak ng Tao umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? 63 Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko sa inyo’y espiritu kaya buhay. 64 Ngunit may ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Pagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sinu-sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. 

65 At sinabi niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyong walang makalalapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” 

66 Kaya mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sumama sa kanya. 67 Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto n’yo rin bang umalis?” 

68 Sumagot sa kanya si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay magpakailanman meron ka. 69 Naniniwala na kami at kilala naming ikaw ang Banal ng Diyos.”

10 Abril
11 Abril
12 Abril
13 Abril
14 Abril
15 Abril
16 Abril

Mga kasulyap-sulyap ngayon: