06 - 12 Nobyembre 2016



At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.” (Lucas 17:4)

06 Nob
07 Nob
08 Nob
09 Nob
10 Nob
11 Nob
12 Nob


06 Nobyembre 2016
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon

(I-click ang larawan)

“Hindi na sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. At sila’y mga anak ng Diyos yamang muli silang binuhay.” (Lucas 20:36)


07 Nobyembre 2016
Pagbasa: Tito 1:1-9; Salmo: Awit 24:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 17:1-6

1 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa tao ngunit sawimpalad ang taong naghahatid nito! 2 Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito.

3 Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya, at kung magsisi’y patawarin mo. 4 At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.”

5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” 6 Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim,’ at susundin kayo nito.”


08 Nobyembre 2016
Pagbasa: Tito 2:1-14; Salmo: Awit 37:3-29;
Mabuting Balita: Lucas 17:7-10

7 “Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Ano’ng sasabihin niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: ‘Halika na’t dumulog sa hapag’? 8 Sa halip ay sasabihin niya: ‘Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ 9 Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-na-loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? 10 Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa ninyo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin’.”


Pagtatalaga sa Basilica Lateran
09 Nobyembre 2016
Unang Pagbasa: Ezekiel 47:1-12; Salmo: Awit 46:2-9; Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 3:9-17; Mabuting Balita: Juan 2:13-22

13 Malapit na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus pa-Jerusalem. 14 Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. 15 Kaya gumawa siya ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit at ipinagtataob ang mga mesa. 16 At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin n’yo ang mga ito! Huwag n’yong gawing palengke ang Bahay ng aking Ama.” 17 Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Tinutupok ako ng malasakit sa iyong Bahay.”

18 Kaya sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin at ginagawa mo ito?” 19 Sinagot sila ni Jesus: “Gibain n’yo ang templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.”

20 Sinabi naman ng mga Judio: “Apat-napu’t anim na taon nang itinatayo ang templong ito, at ibabangon mo ito sa tatlong araw?” 21 Ngunit and templong katawan niya ang kanyang tinutukoy. 22 Nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.


San Leo
10 Nobyembre 2016
Pagbasa: Filemon 7-20; Salmo: Awit 146:7-10;
Mabuting Balita: Lucas 17:20-25

20 Tinanong siya ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng kaharian ng Diyos; 21 di masasabing ‘Narito o naroon,’ nasa inyo na nga ang kaharian ng Diyos.”

22 Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at di naman ninyo makikita. 23 At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. 24 Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. 25 Subalit kailangan muna niyang magtiis ng marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.”


San Martin ng Tours
11 Nobyembre 2016
Pagbasa: 2 Juan 4-9; Salmo: Awit 119:1-18;
Mabuting Balita: Lucas 17:26-37

26 “Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. 27 Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang Baha na pumuksa sa lahat. 28 Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. 29 At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. 30 Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao.

31 Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. 32 Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. 33Ang sinumang magsikap na magligtas ng sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay.

34 Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; 35 kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.” 37 At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya. “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”


San Josafat
12 Nobyembre 2016
Pagbasa: 3 Juan 5-8; Salmo: Awit 112:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 18:1-8

1 Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob – ito ang sinabi ni Jesus sa kanila sa isang talinhaga. 2 Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. 3 May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ 4 Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, 5 igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya’.”

6 Kaya idinagdag ng Panginoon: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng di-matuwid na hukom. 7 Di ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? 8 Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pag dating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”

06 Nob
07 Nob
08 Nob
09 Nob
10 Nob
11 Nob
12 Nob

Mga kasulyap-sulyap ngayon: