|
|
|
|
|
|
|
17 Setyembre 2017
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
“Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” (Mateo 18:21)
Pagbasa: 1 Timoteo 2:1-8; Salmo: Awit 28:2-9;
Mabuting Balita: Lucas 7:1-10
1 Matapos ituro ni Jesus ang mga ito sa mga tao, pumasok siya sa Capernaum.
2 May isang kapitan na may katulong na naghihingalo at pinahahalagahan niya ito. 3 Pagkarinig niya tungkol kay Jesus, nagpapunta siya sa kanya ng mga Matatanda ng mga Judio para pakiusapang pumunta at pagalingin ang kanyang katulong. 4 Pagdating ng mga ito kay Jesus, taimtim nila siyang pinakiusapan: “Marapat lamang na pagbigyan mo siya; 5 mahal nga niya ang ating bayan at siya ang nagpatayo ng aming sinagoga.”
6 Kaya kasama nilang pumunta si Jesus. Nang hindi na siya kalayuan sa bahay, nagpapunta naman sa kanya ng mga kaibigan ang kapitan para sabihin: “Ginoo, huwag ka nang mag-abala pa; hindi nga siguro ako karapat-dapat para tumuloy ka sa aking bahay. 7 Kaya hindi ko man lang inakalang nararapat akong lumapit sa iyo. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. 8 Mababa nga lang ang ranggo ko pero may mga sundalo sa ilalim ko. At kung iutos ko sa isa, ‘Umalis ka,’ umaalis siya; at sa iba naman, ‘Halika,’ at pumaparito siya. At pag sinabi kong ‘Gawin mo ito,’ sa aking katulong, ginagawa nga niya ito.”
9 Humanga si Jesus pagkarinig niya nito. Lumingon siya sa mga sumusunod sa kanya at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo, sa Israel ma’y hindi ko natagpuan ang ganitong pananalig!” 10 At nang magbalik sa bahay ang mga sinugo, natagpuan nilang magaling na ang katulong.
San Gennaro |
Pagbasa: 1 Timoteo 3:1-13; Salmo: Awit 101:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 7:11-17
11 Pagkatapos ay pumunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain at sinamahan siya ng kanyang mga alagad kasama ang maraming tao. 12 Habang papalapit siya sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang inilalabas ang isang patay – ang nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina, at ito’y isang biyuda kaya sinamahan siya ng di-kakaunting tao mula sa bayan. 13 Pagkakita sa kanya, nahabag sa kanya ang Panginooon at sinabi: “Huwag ka nang umiyak.”
14 Lumapit siya at hinipo ang kabaong; tumigil naman ang mga maydala. At sinabi niya: “Binata, iniuutos ko sa iyo, bumangon ka!” 15 Umupo nga ang patay at nagsimulang magsalita; at ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina. 16 Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi: “Lumitaw sa atin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan.” 17 Kayat kumalat ang balitang ito tungkol sa kanya sa buong lupain ng mga Judio at sa lahat ng karatig na lupain.
San Andres Kim Taegon, San Pablo Chong Hasang at mga kasama |
Pagbasa: 1 Timoteo 3:14-16; Salmo: Awit 111:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 7:31-35
31 “Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan, at sa ano sila katulad? 32 Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo at hindi kayo sumayaw, at nang umawit naman kami ng punebre, ayaw naman ninyong umiyak.
33 Ganito rin naman ang nangyari. Dumating si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at ang sabi ninyo’y ‘Nasisiraan siya ng bait!’ 34 Dumating naman ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinabi naman ninyong ‘Narito ang taong matakaw at lasenggo, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan.’ 35 Gayon pa ma’y nakilala ng kanyang mga anak ang Karunungan.”
San Mateo, Apostol |
Pagbasa: Efeso 4:1-13; Salmo: Awit 19:2-5;
Mabuting Balita: Mateo 9:9-13
9 Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan siya. 10 At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?”
12 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! 13 Sige, matutuhan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagbasa: 1 Timoteo 6:2-12; Salmo: Awit 49:6-20;
Mabuting Balita: Lucas 8:1-3
1Pagkatapos ay naglibot si Jesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa 2 at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinaguriang Magdalena, na nilisan ng pitong demonyo, 3 si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.
San Pio de Pietrelcina |
Pagbasa: 1 Timoteo 6:13-16; Salmo: Awit 100:2-5;
Mabuting Balita: Lucas 8:4-15
4 Napakakapal na tao ang nagkakatipon dahil pinupuntahan si Jesus ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bayan. Kaya nagsalita siya sa talinhaga:
5 “Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at tinapak-tapakan at kinain ng mga ibon sa langit. 6 Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. 7 Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sa sabay nilang paglaki, sinikil ito ng mga tinik. 8 Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga nang tig-iisang daan.” Pagkasabi nito’y sumigaw siya: “Makinig ang may tainga.”
9 At tinanong siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. 10 Kayat sinabi niya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Diyos, at sa iba nama’y sa mga talinhaga lamang para tumingin sila at hindi makakita, makinig at hindi makaunawa.
11 Ito ang kahulugan ng talinhaga. Ang binhi ay ang salita ng Diyos. 12 Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakakarinig nito pero agad namang dumarating ang diyablo; inaagaw niya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig at maligtas. 13 Ang mga nasa batuhan ay ang mga nakakarinig na masayang tinatanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. 14 Ang nahulog naman sa mga tinikan ay ang mga nakakarinig ngunit sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya hindi sila nakapagbunga. 15 Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa kanilang pagtitiyaga.
|
|
|
|
|
|
|