Ika-24 Linggo Sa Karaniwang Panahon
17 Setyembre 2023
Para sa marami sa atin, napakahirap patawarin ang isang taong lubhang nakasakit o nakasira sa atin. Madalas kaysa hindi nagiging dahilan ito ng tuluyang pagkasira ng ating relasyon sa nasabing tao.
Kung napakahirap nang patawarin ang isang taong minsang nagkasala sa atin, paano pa kaya natin gagawin ang sinabi ni Hesus? Na kung magpapatawad tayo, hindi lang pitong beses, kundi pitumpung ulit pa nito.
Bakit nga ba kailangan nating magpatawad ng taong nagkasala sa atin?
Pansinin po natin ito:
Kapag nagkasala sa atin ang isang kapatid o isang kaibigan, magagalit tayo sa kanya. At kadalasan hindi lang tayo basta nagagalit, itinatanim pa natin ang galit na ito. Iisipin nating lagi ang ginawang mali sa atin. Minsan hindi tayo mapagkatulog samantalang 'yung nagkasala sa atin ang himbing ng tulog. Nasisira ang araw natin kapag nakikita natin siya o kaya may magpapaalala sa 'tin sa nasabing tao.
Sa ibang salita, mai-stress tayo. At ang stress, nagdudulot yan ng kalungkutan. O kaya ng sakit. O kaya ng mabilis na pagtanda.
Kaya ang ending, nagkasakit ka. Gumastos sa gamot. Gumastos nang ma-confine sa ospital. Maagang namatay. At lahat ng 'yun dahil hindi ka nagpatawad.
Hindi po healthy ang magtanim ng galit o ng tampo o ng grudge. Kapag nagkagano'n, para tayong mga taong nakagapos o nakakulong sa galit na ating nararamdaman. Hindi tayo makakilos at makapag-isip ng tama dahil nagiging alipin tayo ng ating negatibong emosyon.
At ang magpapalaya sa atin? Magpatawad tayo. Madaling sabihin. Alam kong hindi ito madali. Pero kahit saang anggulo natin tingnan, tayo ang talo kapag hindi natin nagawang magpatawad.
Kapag nagawa nating magpatawad, liban sa masusunod na natin ang utos ni Hesus sa Ebanghelyo ngayong Linggo, makapamumuhay pa tayo ng malayo sa stress at sa mga negatibong dulot nito.
Gusto mo ng peace of mind? Magpatawad. Maging mapagpatawad katulad ng ating Amang Diyos na patuloy na nagpapatawad sa mga taong nagtitika at nagbabalik-loob sa Kanya.
Panalangin:
Panginoon namin at Diyos, aming Amang bukal ng awa, Ikaw na walang hanggang nagpapatawad sa aming mga pagkakasala't pagkukulang, ang aming puso, isip at kaluluwa ay inihahandog namin sa Inyo. Purihin at dakilain ng tanan ang matamis Mong Pangalan.
Ama, patawarin Mo po kami. Turuan Mo po kaming magpatawad at maging mapagpatawad. Maghari po sana sa aming buhay ang Banal na Espiritu upang magawa naming mahalin ang mga taong hindi kamahal-mahal. Tanggalin po sana Niya ang lahat ng galit, inggit at pagtatampong namamahay sa aming mga puso. Espiritu Santo, pagkalooban po Ninyo ng kapayapaan ang aming mga isip.
Idinadalangin din po namin, Ama, ang aming bayan. Huwag po sanang maghari sa bawat isa sa amin ang kultura ng galit at paghihiganti. Huwag po sana naming isiping ang isang taong makasalanan ay dapat na mamatay. Nawa po kami ay maging bayang naniniwala sa hustisya at due process. Turuan Mo po kaming pahalagahan ang buhay ng tao.
Ang lahat ng ito, Ama, ay itinataas namin sa pangalang ni Hesus na Iyong Anak, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.