'Wag Kang BBSS!

Gospel Reflection

Ika-31 Linggo Sa Karaniwang Panahon
05 Nobyembre 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.


Ang Ebanghelyo natin ngayong Linggo ay isang shout-out para sa mga taong galing na galing sa sarili. 'Yun bang mga taong akala mo'y walang anumang bahid ng kasalanan.
Sila 'yung mga taong nakapag-serve lang sa simbahan, akala mo kung sino nang banal. Na naka-attend lang ng kung anong seminar, akala mo napakagaling na. At lalong marami ang mga taong nakabasa lang at nakakabisa lang ng ilang verses sa Bible, akala mo kung sino na kung makapanira sa ibang tao. Madalas, sinisiraan na rin pati ang Simbahang Katolikang pinanggalingan nila.

Sa mga parokya natin, marami rin sila. Sila 'yung laging nagmamagaling kapag may okasyon. Gustong lagi silang pinasasalamatan o pinupuri. Masasakit silang magsalita. Feeling kasi nila, mas makasalanan o mas mababa sa kanila ang iba. At madalas, sila 'yung mga taong kinaiinisan. Sila ang nagiging dahilan kung bakit lumalayo ang nakararami sa mga Parokya. 

Ang masaklap, ang mga taong ito ang nagiging imahe ng mga taong-simbahan. Pangit tuloy ang nagiging tingin ng marami sa mga lay servants. Nandiyang tawagin tayong mga plastik. O mga mayayabang na nagpapataasan ng ihi. O mga epal na gustong laging bida.

Kung tayo'y laykong lingkod, paano nga ba natin malalaman kung isa tayo sa mga taong kung tawagi'y BBSS (banal na banal sa sarili)?

Una, pa'no ba natin tingnan ang sarili natin? Kung tingin natin, sarili lang natin ang magaling at sarili natin ang pinakamagaling, naku, malamang isa tayo sa dahilan kung bakit nawawala ang mga members ng organisasyon natin. Nangyayari kasi, inaako natin ang lahat ng trabaho sa samahan. Nawawalan tuloy ng partisipasyon at paglago ang ibang mga kasapi. Kaya ang siste, kinatatamaran na nila ang pagdalo sa mga gawain.

Ikalawa, paano natin tingnan ang kapwa natin-- lingkod man o ordinaryong parokyano? Kung tingin nati'y mas mababa sila kaysa sa atin, baka baluktot ang paglilingkod natin. Kung tunay kasing lumalalim ang ating pananampalataya at totoong mas nakikilala natin ang Diyos, dapat sana'y lalo nating nare-realize kung gaano tayo kababa kumpara sa Diyos. Nare-realize din nating wala tayong pinagkaiba sa ating kapwa. Makasalanan tayong lahat. Tayong lahat ay umaasa lamang sa awa at grasya ng Diyos para sa ating kaligtasan.

At ikatlo, ano ang ating bunga? Kung dumarami ang ating mga kaaway habang tumatagal tayo sa paglilingkod, alam na. Dapat kasi'y bumubuo tayo ng mga tulay upang mas maipahayag natin sa iba ang Mabuting Balita. Hindi natin dapat sinusunog ang mga tulay na ito.

Sa linggong ito, suriin natin ang ating mga sarili. Tayo ba ang mga makabagong saserdote at mga pariseo? Kung isa tayo sa kanila, idalangin natin sa Diyos na magabayan sana tayo ng Banal na Espiritu upang magawa nating baguhin ang ating mga sarili. 

Maging tunay na lingkod na may kababaang-loob. Huwag kang BBSS!

Panalangin:

Panginoon naming Diyos, patuloy at lagi Ka po naming sinasamba. Buong kagalakan Ka po naming niluluwalhati.

Ama, salamat po sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob Mo po sa amin. Bigyan Mo po kami ng mapagkumbabang pusong patuloy na sa Iyo'y nagmamahal at naglilingkod nang walang hinahangad na anumang kapalit-- materyal man po o papuri ng iba.

Ikaw po ang pinagmumulan ng lahat, maging ang aming buhay, turuan Mo po kaming ibalik sa Iyo ang lahat ng ito. Gamitin Mo po kaming instrumento ng iyong mapagpalang pag-ibig.

Lagi po kaming umaasa sa Iyong walang hanggang habag. Tunay nga pong wala kaming magagawa kung malayo po kami sa Inyo.

Sa Pangalan ni Hesus, nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: