“Kayo ni Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipangangalan mo sa kanya. ” (Lucas 1:13)
Unang Pagbasa: Hukom 13:2-7.24-25
Noong mga araw na iyon, sa bayan ng Zora ay may isang lalaking Manoa ang pangalan, kabilang sa lipi ni Dan. Ang asawa niya ay hindi magkaanak. Minsan, napakita sa babae ang anghel ng Panginoon, at sinabi, “Hanggang ngayo’y wala kang anak. Ngunit hindi magtatagal, maglilihi ka at manganganak. Mula ngayon ay huwag kang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang bawal na pagkain. Kung maipanganak mo na siya, huwag mong papuputulan ng buhok pagka’t mula pa sa kanyang pagsilang ay itatalaga na siya sa Diyos. Siya ang magsisimulang magligtas sa Israel mula sa mga Filisteo.”
Ang babae’y lumapit sa kanyang asawa at kanyang sinabi, “Napakita sa akin ang isang propeta ng Diyos, parang anghel. Kinikilabutan ako! Hindi ko tinanong kung tagasaan siya at hindi naman niya sinabi kung sino siya. Huwag daw akong iinom ng alak ni titikim ng anumang bawal na pagkain pagka’t ang sanggol na isisilang ko’y itatalaga sa Diyos.”
Dumating ang araw at nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang sanggol at pinangalanan nilang Samson. Lumaki ang bata na patuloy na pinagpapala ng Panginoon. Ang Espiritu ng Panginoon ay lumukob kay Samson.
Salmo: Awit 70
Tugon: Lagi kong papupurihan
ang iyong kapangyarihan!
Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako’y ipaglaban.
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo’y may tiwala na;
sa simula at mula pa wala akong inasahang
mag-iingat sa sarili, kundi tanging ikaw lamang.
Pagkat ikaw, Panginoon, ay malakas at dakila,
ang taglay mong katangia’y ihahayag ko sa madla.
Sapul pa sa pagkabata ako’y iyong tinuruan,
hanggang ngayo’y sinasambit ang gawa mong hinangaan.
Mabuting Balita: Lucas 1:5-25
Noong si Herodes ang hari ng Judea, may isang saserdote na ang ngala’y Zacarias, sa pangkat ni Abias. At mula rin sa lipi ni Aaron ang kanyang asawang si Elisabet. Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, namumuhay nang ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon. Wala silang anak sapagkat baog si Elisabet, at sila’y matanda na.
Ang pangkat ni Zacarias ang nanunungkulan noon, at siya’y naglilingkod sa harapan ng Diyos bilang saserdote. Nang sila’y magsapalaran, ayon sa kaugalian ng mga saserdote, siya ang nahirang na maghandog ng kamanyang. Kaya’t pumasok siya sa templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng kamanyang, samantalang nagkakatipon sa labas ang mga tao at nananalangin.
Walang anu-ano’y napakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon, nakatayo sa gawing kanan ng dambanang sunugan ng kamanyang. Nagulat si Zacarias at sinidlan ng matinding takot nang makita ang anghel. Ngunit sinabi nito sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang panalangin mo. Kayo ni Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipangangalan mo sa kanya. Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya, at marami ang magagalak sa kanyang pagsilang sapagkat siya’y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak o anumang inuming nakalalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina, mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. Marami sa mga anak ng Israel ang panunumbalikin niya sa kanilang Panginoong Diyos. Mauuna siya sa Panginoon, taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang pagkasunduin ang mga ama at ang mga anak, at panumbalikin sa daan ng matuwid ang mga suwail. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.”
Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko po matitiyak na mangyayari ito? Sapagkat ako’y napakatanda na at gayon din ang aking asawa.” Sumagot ang anghel, “Ako si Gabriel na naglilingkod sa harapan ng Diyos. Sinugo ako upang ihatid sa iyo ang mabuting balitang sinabi ko na sa iyo. At ngayon, mabibingi ka’t hindi makapagsasalita hanggang sa araw na maganap ang mga bagay na ito, sapagkat hindi ka naniwala sa mga sinabi ko na matutupad pagdating ng takdang panahon.”
Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtaka sila kung bakit nagtagal siya nang gayon sa loob ng templo. Paglabas niya ay hindi na siya makapagsalita, mga senyas na lamang ang ginagamit niya; kaya natanto nila na nakakita siya ng pangitain. At siya’y nanatiling pipi.
Nang matapos ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet, at hindi ito umalis ng bahay sa loob ng limang buwan. “Ngayo’y nilingap ako ng Panginoon,” wika ni Elisabet. “Ginawa niya ito upang alisin ang aking kadustaan sa harapan ng mga tao!”