Ang bata’y lumaking malakas, marunong at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. (Lucas 2:40)
Unang Pagbasa: Sirac 3:2-6.12-14
Ang mga ama ay binigyan ng Panginoon ng kapangyarihan sa mga anak, at iniutos niya na sundin ng mga anak ang kanilang ina. Ang gumagalang sa kanyang ama’y nagbabayad na sa kanyang kasalanan, at ang nagpaparangal sa kanyang ina’y parang nag-iimpok ng kayamanan. Ang gumagalang sa kanyang ama’y paliligayahin naman ng kanyang mga anak, at ang panalangin niya’y agad diringgin ng Panginoon. Ang nagpaparangal sa kanyang ama at nagdudulot ng kaaliwan sa kanyang ina, ay tumatalima sa Panginoon; pahahabain ng Diyos ang kanyang buhay. Anak, kalingain mo ang iyong ama pag siya’y matanda na, at huwag mo siyang dudulutan ng sama ng loob habang nabubuhay. Pagpaumanhinan mo siya kapag nanlalabo na ang kanyang isip; huwag mo siyang lalapastanganin ngayong nasa kasibulan ka na ng iyong lakas. Ang paglingap mo sa iyong ama ay di makakalimutan ng Panginoon, iyan ay magiging kabayaran sa iyong mga kasalanan.
Salmo: Awit 127
Tugon: Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos!
Mapalad ang bawa’t tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain. Mula sa Sion,
pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
Ikalawang Pagbasa: Colosas 3:12-21
Mga kapatid: Kayo’y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa kanya at minamahal niya. Kaya’t dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin. Magpaumanhinan kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa’t isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya’t magpatawad din kayo. At higit sa lahat, mag-ibigan kayo pagka’t ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa. At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Kristo, sapagka’t ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi. Ang mga salita ni Kristo ay itanim ninyong mabuti sa inyong isip. Magpaalalahanan kayo at magturuan nang buong kaalaman. Umawit kayo ng mga salmo, mga imno, at mga awiting espirituwal, na may pagpapasalamat sa Diyos. At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Hesus, at sa pamamagitan niya’y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, sapagka’t iyan ang kalooban ng Panginoon.
Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, at huwag silang pagmamalupitan.
Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagka’t ikinalulugod iyan ng Panginoon.
Mga ama, huwag ninyong kagagalitan nang labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang loob.
Mabuting Balita: Lucas 2:22-40
Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila, ayon sa Kautusan ni Moises, dinala si Hesus ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagka’t ayon sa Kautusan, “Ang bawa’t panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Magasawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika, “Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin, ayon sa iyong pangako, yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas, na inihanda mo para sa lahat ng bansa: Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil, at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula sa Diyos nguni’t hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”
Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangala’y Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya’y mabalo. At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem. Nang maisagawa nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nasaret, Galilea. Ang bata’y lumaking malakas, marunong at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.