Pasko ng Pagsilang (Hatinggabi) - 25 Disyembre 2017



“Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!” (Lucas 2:14)

Unang Pagbasa: Isaias 9:1-6

Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman, namanaag na ang liwanag sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim. Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang, di-nagdagan mo ang kanilang tuwa. Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan, tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan. Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan. Tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian. Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila. 

Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma, ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo ay susunugin. Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki. Ibinigay ang isang anak sa atin. At siya ang mamamahala sa atin. Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan. 

Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari. Upang matatag ito at papanatilihin sa katarungan at katwiran ngayon at magpakailanman. Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon. 

Salmo: Awit 95

Tugon: Sa atin ay sumilang ngayon 

           ang Manunubos, Kristong Poon!

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit; 
ang Poon ay papurihan nitong lahat sa daigdig! 

Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin; 
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin. 
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila, 
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa. 

 Lupa’t langit ay magsaya, umugong ang kalaliman, 
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang. 
Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw, 
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan. 

Ang Poon ay pupurihin, pagka’t siya ay daratal, 
paririto sa daigdig, upang lahat ay hatulan. 
Tapat siya kung humatol at lahat ay pantay-pantay. 

Ikalawang Pagbasa: Tito 2:11-14

Pinakamamahal kong kapatid: Inihayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ito ang siyang umaakay sa atin upang talikdan ang likong pamumuhay at damdaming makalaman. Kaya’t makapamumuhay tayo ngayon nang maayos, matuwid at karapat-dapat sa Diyos samantalang hinihintay natin ang ating inaasahan – ang dakilang Araw ng paghahayag sa ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Hesukristo sa gitna ng kanyang kaningningan. Ibinigay niya ang kanyang sarili upang iligtas tayo sa lahat ng kalikuan at linisin para maging kanyang bayan na nakatalagang gumawa ng mabuti.

Mabuting Balita: Lucas 2:1-14

Noong panahong iyon, iniutos ng Emperador Augusto na magpatala ang lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang unang pagpapatalang ito’y ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. Kaya’t umuwi ang bawat isa sa sariling bayan upang magpatala. 

 Mula sa Nazaret, Galilea, si Jose’y pumunta sa Betlehem, Judea, ang bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya’y mula sa angkan at lahi ni David. Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa na noo’y kagampan. Samantalang naroroon sila, dumating ang oras ng panganganak ni Maria at isinilang niya ang kanyang panganay at ito’y lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan. 

Sa lupain ding yaon ay may mga pastol na nasa parang, nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. Biglang lumitaw sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at lumaganap sa paligid nila ang nakasisilaw na kaningningan ng Panginoon. Natakot sila nang gayon na lamang, ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako’y may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon. Ito ang palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban.” 

Biglang lumitaw sa tabi ng anghel ang isang malaking hukbo ng kalangitan, na nagpupuri sa Diyos: “Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”



Mga kasulyap-sulyap ngayon: