Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon - 28 Enero 2018

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y nagtanungan, “Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masasamang espiritu. At sinusunod naman siya!” (Marcos 1:27)

Unang Pagbasa: Deuteronomio 18:15-20

Sinabi ni Moises sa mga tao: “Mula sa inyo, pipili ang Panginoon ng propetang tulad ko, siya ang inyong pakikinggan. Ito’y katugunan sa hiling ninyo sa Panginoon nang kayo’y nagkatipon sa Horeb. Ang sabi ninyo, ‘Huwag mo nang iparinig uli sa amin ang tinig ng Panginoon ni ipakita pa ang kakila-kilabot na apoy na ito pagkat tiyak na mamamatay kami.’ 

Sinabi naman niya sa akin, ‘Tama ang sabi nila, kaya pipili ako ng propetang tulad mo. Sa kanya ko ipasasabi ang ibig kong sabihin sa kanila. 

Sinumang hindi makinig sa kanya ay mananagot sa akin. Ngunit tiyak na mamamatay ang propetang mangangahas magsalita sa pangalan ko nang hindi ko pinahihintulutan o magsalita sa pangalan ng alinmang diyus-diyusan.’”

Salmo: Awit 95:1-2. 6-7. 7-9

Tugon: Panginoo’y inyong dinggin, 
           huwag n’yo s’yang salungatin!

Tayo ay lumapit sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan, 
ating papurihan ang batong kublihan nati’t kalakasan. 
Tayo ay lumapit, sa kanyang harapan na may pasalamat; 
siya ay purihin, ng mga awiting may tuwa at galak. 

Tayo ay lumapit, sa kanya’y sumamba at magbigay-galang, 
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang. 
Siya ang ating Diyos, tayo ay kalinga niyang mga hirang, 
mga tupa tayong inaalagaan. 

Ang kanyang salita ay ating pakinggan: 
“Iyang inyong puso’y huwag patigasin, tulad ng ginawa 
ng inyong magulang nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa. 
Ako ay tinukso’t doon ay sinubok ng inyong magulang, 
bagamat nakita ang aking ginawang sila’ng nakinabang.”

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 7: 32-35

Mga kapatid: 

Ibig ko kayong malayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagsusumakitan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawain ukol sa Panginoon, sapagkat ibig niyang maging kalugudlugod sa Panginoon. Ngunit ang pinagsusumakitan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito, sapagkat ibig niyang makapagbigaylugod sa kanyang asawa. Dahil dito’y hati ang kanyang pagmamalasakit. Gayon din naman, ang pinagsisikapan ng dalaga o babaing walang asawa ay ang mga bagay na ukol sa Panginoon sapagkat ibig niyang maitalaga nang lubusan ang sarili sa paglilingkod sa Panginoon. Subalit ang iniintindi ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. 

Sinasabi ko ito upang tulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang ibig ko’y madala kayo sa maayos na pamumuhay, at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.

Mabuting Balita: Marcos 1:21-28

Noong panahong iyon, si Hesus at ang mga alagad ay nagpunta sa Capernaum. Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba. 

Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal na mula sa Diyos!” Ngunit iniutos ni Hesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumisigaw na lumabas. 

Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y nagtanungan, “Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masasamang espiritu. At sinusunod naman siya!” At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Hesus.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: