Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon - 04 Pebrero 2018

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makapangaral ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” (Marcos 1:38)

Unang Pagbasa: Job 7:1-4.6-7

Nagsalita si Job at sinabi niya: “Ang buhay ng tao’y sagana sa hirap, batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas. Siya’y tulad ng alipin, pahinga ang hinahangad, para siyang manggagawa, naghihintay ng kanyang bayad. Maraming buwan na ang lumipas, walang layon ang buhay ko. At tuwing sasapit ang gabi ay namimighati ako. Ang gabi ay matagal, wari’y wala nang umaga, di mapanatag sa higaan at palaging balisa. Mga araw ng buhay ko’y mabilis na nalalagas. Pag-asa ko’y lumalabo, at matuling tumatakas. O Diyos, iyong alalahaning ang buhay ko’y parang hangin. Ang ligaya ng buhay ko’y napalitan na ng lagim.”

Salmo: Awit 147:1-2. 3-4. 5-6

Tugon: Panginoon ay purihin; 
           siya ay nagpapagaling!

Purihin ang Panginoon! O kay buti ng umawit at magpuri sa ating Diyos. 
Ang magpuri sa kanya’y tunay na nakalulugod. 
Ang Lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik 
sa kanyang mga lingkod na natapon at nalupig. 

Yaong mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan. 
Ang natamo nilang sugat, agad-agad tatapalan. 
Alam niya’t natitiyak ang bilang ng mga tala, 
isa-isang tinatawag, yaong ngalang itinakda. 

Panginoong ating Diyos ay dakila at malakas. 
Ang taglay niyang karunungan ay walang makasusukat. 
Yaong mapagpakumbaba’y siya niyang itataas, 
ngunit yaong mapaghambog sa lupa ay ibabagsak. 

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 9:16-19.22-23 

Mga kapatid: 

Hindi ngayo’t nangangaral ako ng Mabuting Balita ay maaari na akong magmalaki. Iyan ang tungkuling iniatang sa akin. Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita! Kung ginagawa ko ito sa sarili kong kalooban, ako’y may gantimpalang hihintayin; ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkulin sapagkat ito’y ipinagkatiwala sa akin. 

Ano ngayon ang aking gantimpala? Ang maipangaral ko na walang bayad ang Mabuting Balita at ang di ko pagkuha ng nauukol sa akin bilang tagapangaral. 

Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng lalong marami. Sa piling ng mahihina, ako’y naging gaya ng mahihina upang mahikayat ko sila. Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay maligtas ko, kahit sa anong paraan. 

Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Mabuting Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito.

Mabuting Balita: Marcos 1:29-39

Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Andres at Simon. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito’y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di’y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila. 

Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman, at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya. 

Madaling-araw pa’y bumangon na si Hesus at nagtungo sa isang ilang na pook at nanalangin. 

Hinanap siya ni Simon at ng kanyang mga kasama. Nang siya’y matagpuan, sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makapangaral ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: