Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon - 10 Hunyo 2018


Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang tumatalima sa kalooban ng Diyos, ay siya kong ina at mga kapatid.” (Marcos 3:35)

Unang Pagbasa: Genesis 3:9-15

Pagkakain ni Adan ng bunga ng puno, tinawag siya ng Panginoon at tinanong, "Saan ka naroon?"
Natakot po ako nang marinig ko kayong nasa hardin; nagtago po ako sapagkat ako'y hubad, tugon niya. "Sinong may sabi sa iyong hubad ka?" tanong ng Diyos. "Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?"

"Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin," tugon niya. "Bakit mo naman ginawa iyon?" tanong ng Diyos sa babae. 

"Mangyari po'y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain," tugon naman niya. At sinabi ng Panginoon sa ahas: "Sa iyong ginawa'y may parusang dapat, na tanging ikaw lang yaong magdaranas; ikaw ay gagapang, ang hatol kong gawad, at alikabok ang pagkaing dapat. Kayo ng babae'y laging mag-aaway, binhi mo't binhi niya'y laging maglalaban. Ito ang dudurog ng ulo mong iyan, at ang sakong niya'y ikaw ang tutuklaw."

Salmo: Awit 129 

Tugon: Sa piling ng Poong Diyos
           may pag-ibig at pagtubos!

Sa gitna ng paghihirap, tinawag ko'y Panginoon. 
Panginoon, ako'y dinggin pagka ako'y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong. 

Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan, 
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot, 
pinatawad mo nga kami upang sa'yo ay matakot. 

Sabik akong naghihintay sa tulong mo, Panginoon, 
pagka't ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong. 
Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa, 
sa serenong naghihintay ng pagsapit ng umaga. 

Magtiwala ka, Israel, magtiwala sa iyong Diyos, 
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot, 
lagi siyang nahahandang sa sinuman ay tumubos. 
Ililigtas ang Israel, yaong kanyang mga hirang, 
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.

Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 4:13-5:1

Mga kapatid, sinasabi ng Kasulatan, "Nagsasalita ako sapagka't ako'y sumasampalataya. Bunga ng gayong diwa ng pananampalataya, nagsasalita rin ako sapagkat ako ma'y sumasampalataya. Sapagkat nalalaman kong ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Hesus ay siya ring bubuhay sa akin kasama niya, at magdadala sa inyo at sa akin kasama niya, at magdadala sa inyo at sa akin sa kanyang piling. Ang lahat ng pagtitiis ko ay sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakatatanggap ng mga kaloob ng Diyos, lalo namang dumadami ang magpapasalamat at magpupuri sa kanya. 

 Kaya't hindi ako pinanghihinaan ng loob. Bagamat humihina ang aking katawang-lupa, patuloy namang lumalakas ang aking espiritu. Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas ko ngayon ay magbubunga ng kaligayahang walang hanggan at walang katulad. Kaya't ang paningin namin ay nakapako sa bagay na di nakikita, hindi sa nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di nakikita. Talos natin na kapag nasira ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, tayo'y may tahanan sa langit, hindi nasisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, hindi ng tao.

Mabuting Balita: Marcos 3:20-35

Noong panahong iyon, pag-uwi ni Hesus, kasama ang kanyang mga alagad, muling nagkatipon ang napakaraming tao, anupat hindi man lamang makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kasambahay, sila'y pumaroon upang kaunin siya, sapagkat ang sabi ng mga tao, "Nasisiraan siya ng bait!" 

Sinabi naman ng mga eskribang dumating mula sa Jerusalem, "Inaalihan siya ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga demonyo. Ito ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo!" Kaya't pinalapit ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinghaga: "Paano mangyayaring palayasin ni Satanas si Satanas? Kapag naglaban-laban ang nasasakupan ng isang kaharian, hindi mananatili ang kahariang iyon. At kapag naglaban-laban ang magkakasambahay, hindi mananatili ang sambahayang iyon. Gayon din naman, kapag naghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at naglaban-laban ang kanyang nasasakupan, hindi magtatagal at darating ang kanyang wakas. 

"Walang makapapasok sa bahay ng isang taong malakas at makaaagaw ng kanyang ari-arian, malibang gapusin muna niya ang taong iyon. Saka pa lamang niya malolooban ang bahay na iyon. 

"Tandaan ninyo ito: maaaring ipatawad sa mga tao ang lahat ng kasalanan at panlalait nila sa Diyos, ngunit ang sinumang lumait sa Espiritu Santo ay hindi mapapatawad. Ang kanyang kasalanan ay hindi mapapawi kailanman." Sinabi ito ni Hesus sapagkat ang sabi ng ilan, "Inaalihan siya ng masamang espiritu." 

Dumating ang ina at mga kapatid ni Hesus. Sila'y nasa labas ng bahay at ipinatawag siya. Noon nama'y maraming taong nakaupo sa palibot ni Hesus, at may nagsabi sa kanya, "Nariyan po sa labas ang inyong ina at mga kapatid; ipinatatawag kayo." "Sino ang aking ina at mga kapatid?" ani Hesus. Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot niya at nagwika: "Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang tumatalima sa kalooban ng Diyos, ay siya kong ina at mga kapatid." 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: