“Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” (Marcos 9:35)
Unang Pagbasa: Karunungan 2:12.17-20
Sinabi ng mga masasamang tao: “Tambangan natin ang mga taong matuwid, pagkat hadlang sila sa ating mga balak; ipinamumukha nila sa atin ang pagsuway sa kautusan, at sinasabing tayo’y nagkasala laban sa kaugalian.
Tingnan natin kung ang salita nila’y magkakatotoo, kung ano ang mangyayari sa kanila pagkamatay nila. Kung ang mga matuwid ay anak nga ng Diyos, sila ay tutulungan niya at ililigtas sa mga kaaway.
Subukin natin silang dustain at pahirapan, upang malaman natin kung hanggang saan ang kanilang kagandahang-asal, at kung hanggang kailan sila makatatagal. Subukin nating ibingit sila sa kamatayan, yamang ang sabi nila ay iingatan sila ng Diyos.”
Salmo: Awit 54:3-4. 5. 6-8
Tugon: Ang D’yos ang s’yang tumutulong
at sa aki’y nagtatanggol!
Makapangyarihang Diyos, ako ay iligtas,
ipagsanggalang mo niyong iyong lakas;
dinggin mo, O Diyos, itong iyong anak,
sa aking dalanging ngayo’y binibigkas.
Ang nagmamataas ay laban sa akin.
Hangad ng malupit ang ako’y patayin.
Sila’y mga taong ang Diyos ay di pansin.
Batid kong ang Diyos ang aking katulong,
Tagapagsanggalang ko ang Panginoon.
Buong galak naman akong maghahandog
ng pasasalamat sa Panginoong Diyos,
dahilan sa kanyang mabuting kaloob.
Ikalawang Pagbasa: Santiago 3:16-4:3
Mga kapatid, saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, maghahari rin doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.
Ngunit ang may karunungang mula sa Diyos, una sa lahat, ay may malinis na pamumuhay. Siya’y maibigin sa kapayapaan, mahinahon, mapagbigay, mahabagin, at masipag sa paggawa ng mabuti, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. At namumunga ng katwiran ang binhi ng kapayapaang inihahasik ng taong maibigin sa kapayapaan.
Ano ang pinagmumulan ng inyong alitan at paglalaban-laban? Hindi ba’t ang masasamang nasa na namumugad sa kalooban ng bawat isa sa inyo, at pawang nagkakalaban-laban? Mayroon kayong pinakamimithi ngunit hindi ninyo makamtan, kaya’t papatay kayo kung kailangan, mapasainyo lamang ito. Dahil sa inyong pag-iimbot sa mga bagay na hindi inyo, kayo’y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong minimithi, sapagkat hindi kayo humihingi sa Diyos. At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap, sapagkat masama ang inyong layunin – humihingi kayo upang gamitin sa kalayawan.
Mabuting Balita: Marcos 9:30-37
Noong panahong iyon, si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nagdaan sa Galilea. Ayaw ni Hesus na malaman ito ng mga tao, sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. Sinabi niya: “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” Hindi nila naunawaan ang sinabi niya, ngunit natatakot naman silang magtanong sa kanya.
At dumating sila sa Capernaum. Nang sila’y nasa bahay na, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad, “Ano ba’ng pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi sila kumibo, sapagkat ang pinagtatalunan nila’y kung sino sa kanila ang pinakadakila. Naupo si Hesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”
Tinawag niya ang isang maliit na bata, at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi, “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumanggap sa akin – hindi ako ang kanyang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.”