“Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” (Marcos 10:25)
Sapagkat napag-unawa kong ako’y tao lamang, ako’y nanalangin at binigyan naman ako ng kaalaman. Tumawag ako sa Diyos at binigyan ako ng Karunungan.
Higit na mahalaga sa akin ang Karunungan kaysa trono at setro, at mas matimbang kaysa alinmang kayamanan. Hindi ko maipagpapalit maging sa pinakamahal na alahas. Ang ginto ay tulad lamang sa buhangin kung ihahambing sa Karunungan. Ang pilak nama’y nagmimistulang putik kapag inihambing sa kanya. Para sa akin, siya’y higit pa sa kalusugan o kagandahan. Mas gusto ko siya kaysa alinmang ilaw sapagkat ang luningning niya’y walang pagkupas.
Nang kamtan ko ang Karunungan, dumating sa akin ang lahat ng pagpapala; siya ang nagkaloob sa akin ng kayamanang walang kapantay.
Salmo: Awit 90:12-13. 14-15. 16-17
Tugon: Pag-ibig mo’y ipadama;
aawit kaming masaya!
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Hanggang kailan pa ba, Poon, titiisin yaring lagay
nitong iyong mga lingkod, sa gitna ng kahirapan?
Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit.
Yaong naging hirap nami’y tumbasan mo ng ginhawa,
singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
sa kasunod naming lahi ay gayon mo rin ituring.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin.
Ikalawang Pagbasa: Hebreo 4:12-13
Ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alin mang tabak na magkabila’y talim. Ito’y tumatagos maging sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at nakatataho ng mga iniisip at binabalak ng tao. Walang makapagtatago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit.
Mabuting Balita: Marcos 10:17-30
Noong panahong iyon, habang paalis na si Hesus ay may isang lalaking patakbong lumapit, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos. Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; huwag kang magdaraya; igalang mo ang iyong ama’t ina.’ ”
“Guro,” sabi ng lalaki, “ang lahat po ng iya’y tinutupad ko na mula pa sa aking pagkabata.” Magiliw siyang tiningnan ni Hesus, at sinabi sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya’y napakayaman.
Tiningnan ni Hesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa kanyang mga alagad, “Napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Nagtaka ang mga alagad sa pananalitang ito. Muling sinabi ni Hesus, “Mga anak, talagang napakahirap mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos! Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t sila’y nagtanungan, “Kung gayo’y sino ang maliligtas?”
Tinitigan sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.” At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.” Sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang sinumang mag-iwan ng bahay, o mga kapatid, ina, ama, mga anak, mga lupa, dahil sa akin at sa Mabuting Balita, ay tatanggap ng makasandaang ibayo sa buhay na ito – mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupa – ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa kabilang buhay ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”