Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon - 04 Nobyembre 2018

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos... Ibigin mo ang iyong kapwa... (Marcos 12:30, 31)

Unang Pagbasa: Deuteronomio 6:2-6

Sinabi ni Moises sa mga tao: Matakot kayo sa Panginoon, ang inyong Diyos, at sundin ang lahat ng kanyang mga utos at mga tuntunin habang kayo'y nabubuhay. Kung ito'y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay. Kaya nga, dinggin ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo'y mapapanuto kayo, at lalaki ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako niya sa inyo, sa lupaing sagana sa lahat ng bagay. 

Dinggin mo, Israel: Ang Panginoong ating Diyos ay siya lamang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, kaluluwa at lakas. Ang mga utos niya'y itanim mo sa iyong isip.

Salmo: Awit 17 

Tugon: Poong aking kalakasan, 
           iniibig kitang tunay!

O Panginoon kong aking kalakasan, 
minamahal kita nang tunay na tunay. 
Panginoo'y batong hindi matitibag, 
matibay kong muog at Tagapagligtas.

D'yos ko ang sa akin ay s'yang nag-iingat. 
Tagapagtanggol ko at aking kalasag. 
Sa 'yo, Panginoon, ako'y tumatawag 
sa mga kaaway ako'y 'yong iligtas. 

Panginoo'y buhay, s'ya'y Tagapagligtas, 
matibay kong muog, purihin ng lahat. 
Sa piniling hari, dakilang tagumpay, 
ang kaloob ng D'yos sa kanyang hinirang. 

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 7:23-28

Mga kapatid, dati, sa Matandang Tipan, maraming saserdote ang naghahali-halili, sapagkat namamatay sila at hindi nakapagpapatuloy sa panunungkulan. 

Ngunit si Hesus ay buhay magpakailanman, at hindi siya mahahalinhan sa kanyang pagkasaserdote. Dahil nga riyan, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila. 

Si Hesus, kung gayon, ang Dakilang Saserdoteng makatutugon sa ating pangangailangan. Siya'y banal, walang kapintasan o kasalanan, nahihiwalay sa mga makasalanan at mataas pa kaysa sangkalangitan. Hindi siya katulad ng ibang mga dakilang saserdote na kailangang maghandog ng mga hain araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsang naghandog si Hesus -- at iya'y pangmagpakailanman -- nang ihandog niya ang kanyang sarili. May mga kahinaan ang mga dakilang saserdoteng hinirang ayon sa Kautusan; subalit ang saserdoteng hinirang na may panunumpa ay ang Anak, banal magpakailanman. At ang panunumpa ng Diyos ay huling dumating kaysa Kautusan. 

Mabuting Balita: Marcos 12:28-34

Noong panahong iyon, lumapit ang isa sa mga eskriba kay Hesus at tinanong siya, "Alin pong utos ang pinakamahalaga?" Sumagot si Hesus, "Ito ang pinakamahalagang utos, 'Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos-- siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas." Ito naman ang pangalawa, 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.' Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito." 

"Tama po, Guro!" wika ng eskriba. "Totoo ang sinabi ninyo. Iisa ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain." Nakita ni Hesus na matalino ang kanyang sagot, kaya't sinabi niya, "Malapit ka nang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos." At wala nang nangahas magtanong kay Hesus mula noon. 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: