Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon - 18 Nobyembre 2018

Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo


“Ngunit walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man – ang Ama lamang ang nakaaalam nito.”” (Marcos 13:32)


Unang Pagbasa: Daniel 12:1-3

Sa pagkakataong yaon, darating si Miguel, ang makapangyarihang bantay ng bansang Israel, at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos.

Mabubuhay ang marami sa mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba’y sa buhay na walang hanggan, at ang iba’y sa kaparusahang walang hanggan. At yaong may pagkaunawa at umakay sa marami tungo sa kabutihan ay magniningning na parang tala sa kalangitan magpakailanman.

Salmo: Awit 16:5. 8. 9-10. 11

Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y 
           ako’y iyong tangkilikin!

Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay, 
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan; 
ang biyayang kaloob mo ay kahangahangang tunay. 
Nababatid ko na ika’y kasama ko oras-oras, 
sa piling mo kailanma’y hindi ako matitinag. 

Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak, 
ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag. 
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak, 
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas. 

Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan, 
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan; 
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 10:11-14.18

Bawat saserdote ay nakatayong naglilingkod araw-araw at naghahandog ng iyon at iyon ding mga hain, subalit hindi makapapawi ng kasalanan ang mga haing iyon. Ngunit si Kristo ay minsan lamang naghandog dahil sa mga kasalanan, at iyo’y sapat na. Pagkatapos, lumuklok siya sa kanan ng Diyos. At naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. Samakatwid, sa pamamagitan ng isa lamang paghahandog ay kanyang pinapaging-banal magpakailanman ang mga nilinis niya.

Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan.

Mabuting Balita: Marcos 13:24-32

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan.

At makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na panig ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako. 

Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos: kapag sumisipot na ang mga dahon sa sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang panahon ng pagparito niya – nagsisimula na. Tandaan ninyo: magaganap ang mga bagay na ito bago mamatay ang mga taong nabubuhay sa ngayon. 

Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko’y hindi magkakabula. Ngunit walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man – ang Ama lamang ang nakaaalam nito.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: