26 - 29 Disyembre 2018



“Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.” (Mateo 2:18)


San Esteban
26 Disyembre 2018
Pagbasa: Gawa 6:8-10; 7:54-59; Salmo: Awit 31:3-17;
Mabuting Balita: Mateo 10:17-22


17 Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. 

19 Pag nilitis naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. 20 Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. 

21 Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. 22 Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit ang mananatiling matatag hanggang wakas ang siyang maliligtas. 


San Juan, Apostol at Ebanghelista
27 Disyembre 2018
Pagbasa: 1 Juan 1:1-4; Salmo: Awit 97:1-12;
Mabuting Balita: Juan 20:2-8

2 Patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”

3 Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. 4 Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. 5 Pagkayuko niya’y nakita niyang nakalatag ang mga telang linen pero hindi siya pumasok.

6 Dumating namang kasunod niya si Simon Pedro, at pumasok sa libingan. Napansin niya ang mga telang linen na nakalatag, 7 at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo niya ay di kasama sa mga telang linen na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mismong lugar nito. 8 Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at siya’y naniwala. 9 Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan siyang magbangon mula sa mga patay. 10 Kaya bumalik pauwi ang mga alagad.


Mga Banal na Sanggol
na Walang Kamalayan
28 Disyembre 2018
Pagbasa: 1 Juan 1:5–2:2; Salmo: Awit 124:2-8;
Mabuting Balita: Mateo 2:13-18

13 Pagkaalis ng mga pantas, napakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.”

14 Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. 15 Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.”

16 Nagalit naman si Herodes nang malaman nito na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas.

17 Kaya nagkatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: 18 “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.”



Sto. Tomas Becket
29 Disyembre 2018
Pagbasa: 1 Juan 2:3-11; Salmo: Awit 96:1-6;
Mabuting Balita: Lucas 2:22-35

22 Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon – 23 tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. 24 Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati.

25 Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon. Hinihintay niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. 27 Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya.

28 Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi:

29 “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon,
nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika;
30 pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas
31 na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa,
32 ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano 
at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.”

33 Nagtataka ang ama at ina ng bata sa mga sinasabi tungkol sa kanya. 34 Pinagpala naman sila ni Simeon at sinabi kay Mariang ina ng bata: “Dahil sa kanya, babagsak o babangon ang mga Israelita at magiging tanda siya sa harap nila at kanilang sasalungatin. 35 Kaya mahahayag ang lihim na pag-iisip ng mga tao. Ngunit paglalagusan naman ng isang punyal ang puso mo.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: