Growing Like Jesus

Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol
16 Enero 2022
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.



Natutuwa ako kapag nakakakita ako ng mga members ng aming maliit na charismatic community -- elder man o kabataan-- na nagsisikap na matuto sa mga gawain sa aming prayer meeting. Ilan sa kanila'y unti-unti nang natututo sa pagli-lead ng mga panalangin o kaya nama'y sa pagiging moderator o sa pagbibigay ng Gospel Reflections.

Lagi kong sinasabi sa kanila ang lagi kong naririnig noong nag-uumpisa pa lang ako, "Walang nag-uumpisang magaling agad. Lahat tayo'y nag-uumpisa sa pagiging hindi magaling o sa boring o sa walang kabuhay-buhay. Ang mahalaga'y sinubukan natin at hindi tayo magdadalawang-isip na subukan uli. Ayos lang na mapahiya. Lahat ng magaling ay dumaan sa pakiramdam na 'yun."

Sa Linggong ito, ipinagdiriwang natin ang katotohanang minsang naging bata ang ating Panginoong Hesus. Siya man ay nangailangan ng paggabay ng Kanyang mga magulang. Siya man ay dumaan sa proseso ng pagkatuto. 

... Natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan.

Nakinig Siya sa mga guro at nagtanong. Nagsikap rin si Hesus na palalimin ang pagkakakilala Niya sa Diyos at inihanda ang Kanyang sarili sa misyong nakatakdang gawin Niya pagdating sa sapat na gulang.

Hinihimok tayo ng Ebanghelyo nating magsikap na paunlarin ang munti nating pananampalataya. Tayo'y tulad ng isang batang nagsusumikap na matutunan ang mga kakayahang kailangan natin sa ating mga buhay pananampalataya. Hindi natin maiiwasang paminsan-minsang madapa o masaktan. Ang mahalaga'y unti-unti tayong lumalago. 

Sa kaso ko'y mas madalas ako noong nadapa at nasaktan. Napahiya rin ako. Maraming beses. Natatawa na lang ako sa sarili kapag naaalala ko ang mga panahong iyon. Ilang beses kong inisip na bumitaw sa paglilingkod. Nanatili ako. Umasang matutunan ko rin ang mga dapat kong gawin. Nagsisikap pa rin akong matuto hanggang ngayon. Malayung-malayo pa ako sa layon ng lahat ng Kristiyano-- ang maging katulad ni Hesus.

Inaanyayahan din tayong tayong maging katulad ng isang bata sa kanilang pag-ibig, pagtitiwala, pananampalataya at kababaang-loob. Umasa tayo sa pag-ibig at awa ng ating Amang nasa langit. Magtiwalang hindi Niya tayo pababayaan kahit na anong mangyari.

Sa lahat ng mga nagsusumikap na patuloy na matuto sa ating panglilingkod at pananampalataya, saludo po ako sa inyo. Nawa, magsikap tayong lahat na lalo pang mapaigi ang ating mga ispiritwal na buhay. Lumago sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Maging katulad ng batang si Hesus na umunlad sa Kanyang karunungan at kinalugdan ng Ama.

Panalangin:

O aming Ama, Ikaw na nagpahintulot na maging isang paslit ang aming Panginoong Hesus, ang lahat ng pagsamba at papuri ay handog namin sa Inyo. 

Magawa po sana naming tularan ang halimbawa ng Iyong Anak. Sa Kanyang pagpapakumbaba, tulungan Mo po kaming lumapit at umasa sa Inyo. Turuan Mo po kaming magmahal ng walang pinipili. Bigyan Mo po kami ng pananampalataya.

Maunawaan po sana naming kaming lahat ay inangkin Mong anak. Pantay-pantay. Itinalagang mag-ibigan katulad ng pag-ibig ni Hesus.

Ang lahat ng ito sa pangalan ng aming Panginoong Hesus, minsang naging Sanggol para sa aming kapakanan, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: