Accept Jesus

Gospel Reflection

Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
03 Pebrero 2019
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 



Eh di wow! Eh di ikaw na ang magaling!

Parang ganito ang reaksyon ng mga taga-Nazaret kay Hesus. Galit at pagkadismaya ang kanilang naramdaman. 

Kilala nila si Hesus. Anak Siya ng isang karpintero. Isang karaniwang tao. Hindi nila matanggap na si Hesus ang Kristo. Ang Mesiyas. Ang tagapagligtas ng Bayang Israel.

Ganito rin ang reaksyon natin kapag nakakakita tayo ng mga taong nagsasalita ukol sa Salita ng Diyos. Nagtataas agad tayo ng kilay.  Madalas nauuna ang yabang natin sa katawan. Itinatanggi ng ating isip na mas magaling ang taong ito kaysa sa atin. Hinahanap agad natin ang kanyang mga kapintasan. Sa isip nati'y pinatutunayan nating mas magaling tayo sa kanya.

Halos ganito rin kapag mayroon namang taong makasalanang nagpipilit magpakabuti at magbago. Tamang hinala agad tayo. Iniisip agad nating may masamang motibo sa ipinapakita niyang kabutihan. Hinusgahan na agad natin siya bago bigyan ng pagkakataon. Na para bang sinasabi nating tayo lang ang may karapatang matawag na mabuti.

Sa ngayon, tumatanggap ng mga pag-atake ang ating Simbahan. Partikular ang ating mga Obispo at mga Pari. Maaaring maraming katoliko ang nadidismaya. Marami ang humuhusga. Nalilimutan ng marami na ang mga Pari, maging ang ating mga Obispo, ay mga taong may sariling mga kahinaan. Na katulad natin, hindi banal ang marami sa kanila. Na katulad natin, nagsusumikap din sila sa pagpapakabanal.

Para bang mas madali para sa atin ang mang-reject kaysa mag-accept. Ang mamintas kaysa pumuri. Kaya nga siguro nauso ang pango-okray na madalas kaysa hindi ay ginagawa nating katatawanan. Isa itong anyo ng pangdo-down ng ibang tao. Nakakatawa pero nakakasakit. Pagpapatawa at the expense ng ibang tao.

Kung ire-reject natin ang karamihan sa mga tao sa paligid natin. Malamang na hindi na tayo magsimba. Malamang na isara natin ang buhay natin sa ibang tao. Malamang, we end up na nag-iisa. Dahil lahat naman ng tao'y may kakulangan at kahinaan.

Mga instrumento ng Diyos ang mga tao sa paligid natin. By accepting them, we accept Jesus. Sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa kanila, lalo na sa mga kasama natin sa simbahang madalas na tawaging plastik, lalong tumatatag ang ating pananampalataya. Tandaan natin, may mga kasama tayong andiyan to inspire us at mayro'n namang andiyan to test us.

Huwag sana tayo maging katulad ng mga taga-Nazaret na humusga kay Hesus. Huwag tayong judgmentalAccept Jesus. We accept Him by accepting others. By accepting our neighbors. By accepting our Bishops. By accepting our Priests.

Panalangin:

O aming Amang makapangayarihan sa lahat, Ikaw na nagsugo sa aming Panginoong Hesus upang ihayag ang Katotohanan, pinupuri, pinaparangalan at sinasamba Ka namin. Kami'y mga lingkod mo. Gamitin mo kami.

Sa kabila ng aming mga kahinaan, itulot Mong malinis kami ng dugong itinigis ng Iyong Bugtong na Anak sa krus. 

Sa pamamagitan ng binyag na aming tinanggap, kami'y isinugo mo upang ipahayag sa buong mundo ang Mabuting Balita ng Kaligtasan. Ipadala Mo po sa amin ang Iyong Espiritung Banal upang magampanan namin ang aming tungkulin sa aming kapwang uhaw sa pag-ibig Mo.

Patatagin mo kami sa kabila ng mga bagyo sa aming mga buhay-- mga problema, mga persekusyon, mga karamdaman. Higit Ka nga pong makapangyarihan kaysa sa mga pagsubok na ito.

At bilang mga tagapakinig ng Salita, tulungan po Ninyo kaming namnamin ang Iyong pag-ibig na ipinapahayag ng aming mga kapatid na tulad din naming makasalanan. Huwag po sanang masayang ang kanilang mga pagsisikap na turuan kami sa kabila ng kanilang mga nakaraan.

Sa Ngalan ni Hesus, iniiwan na namin ang aming lumang mga buhay upang tahakin ang daan patungo sa Iyo. Gabayan nawa kami ng Espiritu Santo ngayon hanggang sa huling hibla ng aming buhay. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: