“Ni ako o ang aking Ama ay hindi n’yo kilala. Kung kilala ninyo ako, kilala rin sana ninyo ang aking Ama.” (Juan 8:19)
Pagbasa: Daniel 13:1-62*; Salmo: Awit 23:1-6;
Mabuting Balita: Juan 8:12-20
12 Kaya muling nangusap si Jesus sa kanila at nagwika: “Ako siyang liwanag ng mundo. Magkakaroon ng liwanag ng buhay ang sumusunod sa akin at hinding-hindi magpapalakad-lakad sa karimlan.”
13 Kaya sinabi sa kanya ng mga Pariseo: “Ikaw ang nagpapatunay sa iyong sarili. Hindi totoo ang patunay mo.”
14 Sumagot si Jesus sa kanila: “Kahit na nagpapatunay ako sa aking sarili, totoo ang patunay ko dahil alam ko kung saan ako galing at kung pasaan ako. Pero hindi n’yo alam kung saan ako galing at kung pasaan ako. 15 Ayon sa laman kayo nag-huhukom; hindi ko hinuhukuman ang sinuman. 16 Kung humukom man ako, totoo ang paghuhukom ko dahil hindi ako nag-iisa, kundi ako at ang Amang nagpadala sa akin.
17 Nasusulat sa Batas ninyo na totoo ang patunay ng dalawang tao. 18 Ako ang nagpapatunay sa aking sarili at nagpapatunay naman tungkol sa akin ang Amang nagpadala sa akin.”
19 Kaya sinabi nila sa kanya: “Nasaan ba ang Ama mo?” Sumagot si Jesus: “Ni ako o ang aking Ama ay hindi n’yo kilala. Kung kilala ninyo ako, kilala rin sana ninyo ang aking Ama.”
20 Sinabi niya ang mga pananalitang ito sa may Kabang-yaman sa pangaral niya sa Templo. At walang dumakip sa kanya dahil hindi pa sumasapit ang kanyang oras.
Pagbasa: Bilang 21:4-9; Salmo: Awit 102:2-21;
Mabuting Balita: Juan 8:21-30
21 Sinabi niyang muli sa kanila: “Aalis ako at hahanapin ninyo ako, at sa inyong kasalanan kayo mamamatay. Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon.” 22 Kaya sinabi ng mga Judio: “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinasabing ‘Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon’?”
23 At sinabi ni Jesus sa kanila: “Taga-ibaba kayo; taga-itaas naman ako. Taga-mundong ito kayo. Hindi ako taga-mundong ito. 24 Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mamamatay. Sa inyong mga kasalanan nga kayo mamamatay kung hindi kayo maniniwalang Ako Siya.
25 At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Ba’t pa kaya ako mangungusap sa inyo? 26 Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagpadala sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya – ang mga ito ang sinasabi ko sa mundo.”
27 Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. 28 At sinabi ni Jesus: “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, maiintindihan ninyong Ako siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili ko kundi ayon sa iniaral sa aking ng Ama – ang mga ito ang aking sinasabi. 29 Kasama ko nga ang nagpadala sa akin at hindi niya ako iniiwang nag-iisa pagkat lagi kong ginagawa ang mga kalugud-lugod sa kanya.”
30 Habang sinasabi ito ni Jesus, marami ang nanalig sa kanya.
Pagbasa: Daniel 3:14-95**; Salmo: Daniel 3:52-56**;
Mabuting Balita: Juan 8:31-42
31 Kaya sinabi ni Jesus sa mga Judiong nanalig sa kanya: “Kung mamamalagi kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, 32 at maintindihan ninyo ang katotohanan, at palalayain kayo ng katotohanan.”
33 Sumagot sila sa kanya: “Binhi kami ni Abraham at hinding-hindi kami nagaalipin kaninuman. Paano mo masasabing ‘Palalayain kayo’?”
34 Sumagot sa kanila si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na alipin ng kasalanan bawat gumagawa ng kasalanan. 35 Ngunit hindi namamalagi magpakailanman ang alipin sa bahay. Ang anak ang namamalagi magpakailanman. 36 Kaya kung ang Anak ang nagpapalaya sa inyo, totoong magiging malaya kayo.
37 Alam kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit dahil walang lugar sa inyo ang aking salita, hangad n’yo akong patayin. 38 Ang nakita ko sa piling ng Ama ang sinasabi ko, at ang narinig n’yo naman mula sa inyong ama ang inyong ginagawa.”
39 Kaya sumagot sila at sinabi sa kanya: “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, mga gawa sana ni Abraham ang inyong ginagawa. 40 Ngunit ngayon, hangad n’yo akong patayin, na taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Hindi ito gawa ni Abraham. 41 Mga gawa nga ng inyong ginagawa.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Hindi kami mga anak sa labas. Isang ama lamang meron kami – ang Diyos.”
42 Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung ang Diyos nga ang inyong Ama, mamahalin n’yo sana ako sapagkat sa Diyos ako galing at ngayo’y naparito. Dumating ako hindi sa ganang sarili ko kundi siya ang nagsugo sa akin.”
Pagbasa: Genesis 17:3-9; Salmo: Awit 105:4-9;
Mabuting Balita: Juan 8:51-59
51 “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may nagsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya papansinin ang kamatayan magpakailanman.”
52 Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na may demonyo ka nga. Namatay si Abraham pati ang mga propeta at sinasabi mong ‘Kung may nagsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan magpakailanman.’ 53 Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Abraham na namatay? Nangamatay pati ang mga propeta. Sino ka ba sa akala mo?”
54 Sumagot si Jesus: “Kung ako ang pumupuri sa aking sarili, walang saysay ang aking papuri. Ang ama ko ang pumupuri sa akin, siya na sinasabi n’yong ‘Diyos namin.’ 55 Hindi n’yo siya kilala pero kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad n’yo. Pero kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita.
56 Nagalak ang inyong amang si Abraham at makikita niya ang Araw ko; nakita nga niya at siya’y natuwa.”
57 Kaya sinabi ng mga Judio sa kanya: “Wala ka pang limampung taon at nakita mo na si Abraham?” 58 Sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham, ako na nga.”
59Kaya dumampot sila ng mga bato para ibato sa kanya. Pero nagtago si Jesus at umalis sa Templo.
Pagbasa: Jeremias 20:10-13; Salmo: Awit 18:2-7;
Mabuting Balita: Juan 10:31-42
31 Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio para batuhin siya. 32 Sinagot sila ni Jesus: “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang itinuro ko sa inyo. Dahil sa alin sa mga ito at binabato n’yo ako?” 33 Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan, pagkat gayong tao ka, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” 34 Sumagot sa kanila si Jesus: “Di ba’t nasusulat sa inyong Batas:Sinabi ko, mga diyos kayo? 35 Kaya tinawag na mga diyos ang mga kinakausap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. 36 Kung gayon, bakit n’yo sinasabing lapastangan ako sinasabi kong Anak ako ng Diyos – ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo?
37 Kung hindi ko tinatrabaho ang mga gawa ng aking Ama, huwag n’yo akong paniwalaan. 38 Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, paniwalaan ninyo ang mga gawa. Kaya malalaman n’yo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.”
39 Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin siya ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. 40 At muli siyang lumayo pakabilang-ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya namalagi. 41 Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Wala ngang ginawang tanda si Juan pero totoong lahat ang sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” 42 At doo’y marami ang nanalig sa kanya.
Pagbasa: Ezekiel 37:21-28; Salmo: Jeremias 31:10-13;
Mabuting Balita: Juan 11:45-57
45 Kaya nanalig sa kanya ang marami sa mga Judiong pumunta kay Maria at nakasaksi sa kanyang ginawa. 46 Pumunta naman sa mga Pariseo ang ilan sa kanila at sinabi ang mga ginawa ni Jesus.
47 Kaya tinipon ng mga punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian (o Sanhedrin) at sinabi: “Ano’ng gagawin natin? Marami siyang ginagawang mga tanda. 48 Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at buburahin kapwa ang ating Banal na Lugar at ang ating bansa.”
49 At isa sa kanila, si Caifas na Punong-pari sa taong iyon, ang nagsabi: “Wala kayong kaalam-alam. 50 Ni hindi n’yo naiintindihan na mas makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa sambayanan kaysa mapahamak ang buong bansa.”
51 Hindi sa ganang sarili niya ito sinabi kundi bilang Punong-pari sa taong iyon nagpropesiya siyang mamamatay nga si Jesus alang-alang sa bansa, 52 at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin din at pag-isahin ang mga nakakalat na anak ng Diyos.
53 Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. 54 Kaya hindi na lantarang naglibot si Jesus sa mga Judio, kundi umalis siya roon patungo sa lupaing malapit sa disyerto, sa isang bayang Efraim ang tawag, at doon siya tumigil kasama ang mga alagad.
55 Ngayon, malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa-Jerusalem ang marami mula sa lalawigan bago mag-Paskuwa upang maglinis ng sarili. 56 Hinahanap nila si Jesus at nang nasa templo na sila, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano sa tingin ninyo? Hindi nga siya paririto sa piyesta?” 57 Nagpalabas naman ng kautusan ang mga punong-pari at mga Pariseo na ipagbigay-alam ng sinumang makaalam kung nasaan siya nang maipadakip nila siya.
|
|
|
|
|
|
|
** Susana sa ibang salin