31 Marso - 06 Abril 2019



Inalam niya sa kanila ang oras nang magsimula siyang umigi, at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una ng tanghali siya inibsan ng lagnat.” (Juan 4:52)

31 Marso
01 Abril
02 Abril
03 Abril
04 Abril
05 Abril
06 Abril


31 Marso 2019
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma

(I-click ang larawan)

‘Sapagkat namatay na ang anak kong ito; ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ (Lucas 15:24)


01 Abril 2019
Pagbasa: Isaias 65:17-21; Salmo: Awit 30:2-13;
Mabuting Balita: Juan 4:43-54

43 Pagkatapos ng dalawang araw, umalis siya roon pa-Galilea. 44 Nagpatunay nga mismo si Jesus na hindi pinararangalan ang isang propeta sa sariling bayan. 45 Gayon pa man, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga rin sila mismo sa Piyesta.

46 Nagpunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. 47 Nang marinig niyang dumating si Jesus sa Galilea galing Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. 

48 Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” 49 Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Lumusong kayo bago mamatay ang anak ko.” 50 At sinabi sa kanya ni Jesus: “Makauuwi ka na. Buhay ang anak mo.”

Naniwala ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya.

51 At habang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. 52 Inalam niya sa kanila ang oras nang magsimula siyang umigi, at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una ng tanghali siya inibsan ng lagnat.” 53 Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin sa kanya ni Jesus: “Buhay ang anak mo.” At naniwala siya at ang buo niyang sambahayan. 

54 Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagkarating niya sa Galilea galing Judea.


San Pedro Calungsod
02 Abril 2019
Pagbasa: Ezekiel 47:1-12; Salmo: Awit 46:2-9;
Mabuting Balita: Juan 5:1-16

1 Pagkatapos nito, may piyesta ng mga Judio at umahon pa-Jerusalem si Jesus. 2 May isang palanguyan sa Jerusalem na Betzata ang tawag sa Hebreo, malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. 3 Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo (habang naghihintay sa pagkilos ng tubig. 4 Sapagkat paminsan-minsa’y bumababa sa palanguyan ang Anghel ng Panginoon at kinakalawkaw ang tubig. At umiigi sa anumang sakit ang unang makalusong matapos makalawkaw ang tubig.). 

5 At doo’y may taong tatlumpu’t walong taon nang may sakit.

6 Pagkakita ni Jesus dito na nakahandusay at pagkaalam niya na matagal na ito roon, sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” 7 Sumagot sa kanya ang maysakit: “Wala po akong taong makapaghahagis sa akin sa palanguyan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon pa ako, may lumulusong nang una sa akin.” 

8 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at maglakad-lakad!” 9 At dagling umigi ang tao, at binuhat niya ang kanyang higaan at naglakad-lakad.

Araw nga ng Pahinga ang araw na iyon. 10 Kaya sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na magbuhat ka ng higaan. 11 Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa aking “Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” 12 Tinanong nila siya: “Sino ang taong nagsabi sa iyong ‘Magbuhat at maglakad-lakad?” 13 Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakatalilis si Jesus dahil maraming tao sa lugar na iyon.

14 Pagkatapos nito, natagpuan siya ni Jesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Hayan, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” 15 Umalis ang tao at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpaigi sa kanya. 16 Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat sa Araw ng Pahinga niya ginawa ang mga ito. 


03 Abril 2019
Pagbasa: Isaias 49:8-15; Salmo: Awit 145:8-18;
Mabuting Balita: Juan 5:17-30

17 Sumagot naman si Jesus sa kanila: “Gumagawa pa rin ang aking Ama kaya gumagawa rin ako.” 18 Kaya lalo pang hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil dito sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos.

19 Kaya sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman sa sariling kusa ang Anak maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, ganoon din ang paggawa ng Anak. 

20 Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang ginagawa. At mas mahalaga pang mga gawa ang ituturo niya kayat mamamangha kayo.

21 Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay; gayundin naman binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang loobin niya. 22 At hinding-hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman kundi ibinigay niya sa Anak ang buong paghatol 23 at pararangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagpadala sa kanya. 

24 Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay magpakailanman ang nakikinig sa aking salita at naniniwala sa nagpadala sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom. 

25 Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at mabubuhay ang mga nakaririnig. 26 May Buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman, ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. 27 At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom sapagkat anak siya ng tao. 

28 Huwag n’yo na itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya 29 at magsisilabas sila: sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan ang mga gumawa ng masama.

30 Wala akong magagawa sa sariling kusa. Ayon sa naririnig ko ako naghuhukom. At matuwid ang paghuhukom ko dahil hindi sariling kalooban ang hangad ko kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin. 


04 Abril 2019
Pagbasa: Exodo 32:7-14; Salmo: Awit 106:19-23;
Mabuting Balita: Juan 5:31-47

31 Kung nagpapatunay ako sa aking sarili, di mapanghahawakan ang aking patunay. 32 Ngunit iba ang nagpapatunay tungkol sa akin at alam kong mapanghahawakan ang patunay niya tungkol sa akin. 33 Nagpasugo kayo kay Juan at binigyang-patunay niya ang katotohanan. 34 Ipinaaalaala ko ito para maligtas kayo; ngunit hindi ko hangad ang patunay mula sa tao. 35 Siya nga ang ilaw na may sindi at nagniningning, at ginusto n’yong magalak pansamantala sa kanyang liwanag. 

36 May patunay naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang bigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawa mismong ginagawa ko ang nagpapatunay na sinugo ako ng Ama. 

37 At nagpapatunay rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang tinig ni    nakita ang kanyang anyo. 38 At hindi rin namamalagi sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo. 

39 Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan dahil inaakala ninyong doon kayo magkakaroon ng buhay magpakailanman. Nagpapatunay nga sa akin ang mga iyon 40 ngunit ayaw n’yong lumapit sa akin para mabuhay.

41 Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, 42 ngunit kilala ko kayo: wala sa inyong sarili ang pagmamahal sa Diyos. 43 Sa ngalan ng aking Ama ako dumating at hindi n’yo ako tinatanggap; kung sakaling may dumating sa sarili niyang ngalan, siya ang inyong tatanggapin. 44 Paano kayo makapaniniwala kung papuri sa isa’t isa ang hangad n’yo at hindi ang papuring galing sa tanging Diyos ang hangad? 

45 Huwag n’yong akalain na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang nagsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inaasahan. 46 Kung pinaniwalaan nga ninyo si Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako sapagkat tungkol sa akin siya nagsulat. 47 Ngunit kung hindi n’yo paniniwalaan ang kanyang mga sinulat, paano n’yo paniniwalaan ang aking mga pananalita?


05 Abril 2019
Pagbasa: Karunungan 2:1-22; Salmo: Awit 34:17-23;
Mabuting Balita: Juan 7:12. 10. 25-30

1 Pagkatapos nito, naglibot si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil balak siyang patayin ng mga Judio. 2 Malapit na ang piyesta ng mga Judio, ang piyesta ng mga Kubol. 

10 Pagkaahon ng kanyang mga kapatid sa piyesta, umahon din naman siya pero palihim at hindi lantad. 

25 Kaya sinabi ng ilang taga-Jerusalem: “Di ba’t ito ang balak nilang patayin? 26 Pero tingnan n’yo’t lantaran siyang nangungusap, at wala silang anumang sinasabi sa kanya. Alam nga kaya ng mga pinuno na siya ang Kristo? 27 Pero alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang makaaalam kung saan siya galing.”

28 Kaya nang mangaral si Jesus sa Templo, pasigaw niyang sinabi: “Kilala n’yo nga ako at alam n’yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko. Ipinadala ako ng Totoo na hindi n’yo kilala. 29 Kilala ko siya pagkat sa kanya ako galing at siya ang nagsugo sa akin.”

30 Balak nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat hindi pa sumasapit ang kanyang oras.


06 Abril 2019
Pagbasa: Jeremias 11:18-20; Salmo: Awit 7:2-12;
Mabuting Balita: Juan 7:40-53

40 Kaya sa maraming taong nakarinig sa mga salitang ito: “Totoo ngang ito ang Propeta.” 41 Sinabi naman ng iba: “Ito ang Mesiyas.” Ngunit sinabi ng iba pa: “Sa Galilea ba manggagaling ang Mesiyas? 42 Di ba’t sinabi ng Kasulatan, na sa binhi ni David at mula sa Betlehem na nayon ni David galing ang Kristo?” 43 Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. 44 Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay.

45 Kaya nagbalik ang mga bantay ng Templo sa mga punong-pari at mga Pariseo, at sinabi naman ng mga ito sa kanila: “Ba’t di n’yo siya dala?” 46 Sumagot ang mga bantay: “Kailanma’y wala pang taong nangusap gaya ng pangungusap ng taong ito.” 47 Kaya sinagot sila ng mga Pariseo: “Nalinlang din pala kayo! 48 May mga pinuno ba o Pariseong nanalig sa kanya? 49 Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: mga isinumpa sila!” 

50 Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Jesus noong una. 51 At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig para alamin ang kanyang ginagawa?” 52 Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo’t tingnan, mula Galilea’y walang lumilitaw na Propeta.”

53 At umuwi ang bawat isa sa kanila. 

31 Marso
01 Abril
02 Abril
03 Abril
04 Abril
05 Abril
06 Abril

Mga kasulyap-sulyap ngayon: